NAKATANGGAP ng ‘death threat’ si George San Mateo, pambansang tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at unang nominado ng PISTON Party-list, sa porma ng isang text message mula sa ‘di nagpakilalang texter.
Nabatid na ipino-blotter na ni San Mateo ang death threat sa kanya na natanggap noong Enero 18, nagsasabing inupahan ang texter ng tatlong lider ng transport groups na nag-ambag-ambag para ‘itumba’ si San Mateo.
Walang ibinigay na pagkakakilanlan ang nagpadala ng text na may numerong 09289568015.
Mariing kinondena ni San Mateo ang pananakot at pagbabanta na aniya’y desperadong hakbang para patahimikin ang PISTON na kaisa sa mainit at tuloy-tuloy na paglaban ng mga driver at maliliit na operator sa jeepney phaseout at iba pang pahirap na patakaran ng rehimeng Aquino.
Naniniwala ang PISTON na ang ginagawang pagbabanta kay San Mateo ay bahagi ng Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino na itinuturong nasa likod ng harassment sa mga unyonista, lider-estudyante, doktor, at iba pa.
“Ang pagbabanta sa buhay ko ay bahagi ng serye ng mga harassment at pananakot sa mga kritiko ni Aquino sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Matagal nang modus ng rehimeng Aquino ang ganitong mga desperadong hakbang para supilin ang mga kritiko ng kanyang administrasyon” ayon kay San Mateo.
Ayon pa sa PISTON, nito lang Nobyembre 2015, ilegal na inaresto at tinortyur ang provincial coordinator ng PISTON sa Cavite.
Naganap ang pagbabanta at pananakot kay San Mateo sa gitna nang tuloy-tuloy at masiglang protesta ng mga driver at operator laban sa ipinatutupad na phaseout ng mga pampasaherong jeep na magtatanggal ng kabuhayan ng mahigit 600,000 driver at 250,000 operator sa buong bansa.
Maaari rin aniyang ituring na Election Related Violence ang pagbabanta kay San Mateo dahil naganap din ito sa gitna ng paghahanda ng PISTON Party-list sa muli nitong paglahok sa 2016 elections.