Replica ng Poong Nazareno ipuprusisyon (Ilang kalye isasara)
Hataw News Team
January 6, 2016
News
ISASARA ang ilang kalye sa Maynila para sa prusisyon ng mga replika ng Poong Nazareno sa Enero 7.
Sa abisong inilabas ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), magsisimula ang prusisyon sa Plaza Miranda, babagtasin nito ang Villalobos St., kakaliwa sa Quezon Blvd., kakanan sa C.M. Recto, kakanan sa Loyola St., kakaliwa sa Guzman St., kakanan sa R. Hidalgo St., kakaliwa sa Barbosa St., kakanan sa Globo de Oro St., kakanan sa Palanca St., saka didiretso sa Villalobos St., pabalik sa Plaza Miranda.
Kaugnay nito, sarado simula 11 a.m. ang southbound lane ng Quezon Boulevard mula Andalucia at Fugoso hanggang Plaza Miranda, C.M. Recto, España, P. Campa, at Lerma.
Inabisohan din ang mga motoristang galing sa España at pupunta sa Roxas Boulevard na kumanan sa P. Campa patungong Fugoso upang makarating sa kanilang destinasyon.
Habang lahat ng nagnanais dumaan sa Quezon Boulevard mula sa Andalucia ay kailangang kumanan sa Fugoso at kakaliwa sa Rizal Avenue.
Ang mga dadaan sa C.M. Recto mula sa Divisoria ay kailangan mag-U-turn sa Evangelista patungo sa kanilang destinasyon.
Muling ibubukas ang kalye dakong 9 p.m.
NCRPO nag-inspeksiyon sa ruta ng traslacion ng Nazareno
BILANG bahagi sa pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno, nag-inspeksiyon ang pamunuan ng National Capital Regional Office (NCRPO) kahapon sa ruta ng traslacion para makatiyak sa seguridad at kaligtasan ng publiko partikular ang mga deboto.
Mahigpit na pinaigting ng pulisya ang ‘police visibility’ sa mga lugar o magiging ruta ng traslacion.
Magsasama ang Manila Police District (MPD) at NCRPO para magsagawa nang mahigpit na pagbabantay sa mga lugar na apektado ng kapistahan upang mapigilan ang posibleng pananamantala ng ilang masasamang elemento.
Jaja Garcia
Kaligtasan ng deboto tiniyak ng palasyo
KOMPIYANSA ang Palasyo na magiging ligtas ang mga deboto na lalahok sa prusisyon ng Poong Itim na Nazareno sa Maynila sa Sabado.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., puspusan ang paghahanda ng PNP sa nakatakdang traslacion ng Black Nazarene.
Sinabi ni Coloma, nakalatag na ang mga plano ni NCRPO Chief Supt. Joel Pagdilao at maging ng Manila Police District sa nasabing prusisyon.
Wala aniyang dapat ikabahala ang mga deboto dahil malawak na rin ang naging karanasan ng pambansang pulisya sa ganitong malalaking pagtitipon.
Bukod sa kapistahan ng Black Nazarene, nahasa na rin ang pulisya sa pagdalaw ni Pope Francis at sa APEC summit noong nakalipas na taon.
Tinatayang 4,000 pulis ang magbabantay sa seguridad ng mga deboto ng traslacion ng Black Nazarene.
Rose Novenario