Transport Group nagprotesta vs jeepney phase-out
Hataw News Team
January 5, 2016
News
NAGLUNSAD ng kilos-protesta ang ilang driver at operator ng mga jeepney nitong Lunes.
Pinangunahan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang pagkondena sa balak ng pamahalaang pag-phase out ng mga lumang jeep na may edad 15 taon pataas.
Sinabi ni PISTON president George San Mateo, nais nilang tuluyan nang ibasura ang kautusang pagpapatigil sa pagpasada ng mga lumang jeepney.
Ito aniya ay dahil daang libong jeepney drivers at operators ang mawawalan ng kabuhayan kapag itinuloy ng pamahalaan ang balak nito.
“Nangangalampag tayo sa LTO (Land Transportation Office) at LTFRB (Land Transportation and Franchising Regulatory Board) upang matiyak natin na kanilang tatanggapin ang application for registration and confirmation ng ating mga jeepney.”
Dagdag niya, “Tayo po’y hindi naman tutol sa modernization, pero tinutulan natin ang modernization program na ikinasa ng DoTC (Department of Transportation and Communication).”
Tinawag niyang monopolisasyon ng malalaking korporasyon ang plano ng pamahalaan.
Daing pa ni San Mateo, nais silang bentahan ng electronic jeepneys, ngunit walang subsidiya.
Mas mainam aniyang suportahan na lamang ang lokal na mga assembler upang makabuo ng sariling makina sa bansa imbes mag-angkat.
Nanawagan din ang grupo ng tulong sa pamahalaan, tulad na lamang ng pagpapababa sa buwis ng binibili nilang spare parts.
Ang pag-phase out ng mga lumang jeep ay bahagi ng jeepney modernization program ng pamahalaan. (HNT)
Phase-out sa lumang jeepney ‘di pa pinal — DOTC/LTFRB
NILINAW ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ni Department of Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya, hindi pa pinal ang planong phase-out sa mga lumang jeepney.
Ang paglilinaw ay kasunod ng isinagawang kilos-protesta ng iba’t ibang transport group sa harap ng opisina ng LTFRB kahapon.
Alma ng mga grupo, kapag isinagawa ang tinatawag na modernization program ay maraming mga tsuper ang mawawalan ng trabaho.