DUMAGSA ang libo-libong mga biik sa North Carolina highway makaraang bumangga ang sinasakyan nilang truck, ayon sa pulisya.
Sa ulat ng mga awtoridad, bumaligtad ang tractor-trailer na lulan ang libo-libong mga biik sa Interstate 40 sa katimugan ng downtown Raleigh, na naging sanhi ng pagkabalam ng trapiko ng ilang oras.
Sinabi pa na ilan sa mga biik ang namatay, ngunit ang bilang nito’y hindi pa ma-sabi dahil marami ang hindi pa nahahanap kung saan nagsitakas at nagpunta.
Sa schedule ng tractor-trailer, patungo ito ng kanluran sa Inetrstate 40 bandang 10:30 ng umaga nang lumipat ang isang kotse mula sa kanyang lane sa harap nito, at humantong ito sa banggaan para tumagilid ang sasakyang lulan ang mga biik.
Ayon sa inisyal na ulat, napasadsad sa gilid ng interstate ang trailer-truck saka sumampa sa rampa bago tumama sa guardrail, na naging sanhi ng pagbaligtad nito.
Agad na inalis ng mga awtoridad ang traktora ngunit nahirapan na hulihin ang nagsipagtakbohang mga biik.
“Kung saan-saan nagsipagtago ang mga biik at halos lahat ng mga pulis at mga taong tumulong ay nahirapan talaga para isa-isa silang hulihin,” wika ng isang pulis.
Kinalap ni Tracy Cabrera