KAKAIBA ang dahilan kung bakit nagsisipag-asawa ang kalalakihan sa isang bayan sa India — para magkaroon sila ng taga-igib ng tubig.
Matinding tagtuyot ang dinaranas ng bayan ng Denganmal dahil sa mainit na panahon sanhi umano ng climate change at dahil walang linya ng tubig ang nasabing lugar, kinakailangan mag-igib ng tubig mula sa balon na hinukay sa kailaliman ng lupa.
Ito ang dahilan kung bakit nagpapakasal ang mga lalaki rito upang ang mapapangasawa nila’y gagawing taga-igib ng kanilang supply para malampasan ang matinding tagtuyot.
Ayon sa mga ulat, marami sa kalalakihan ang nagsisipag-asawa pa ng ilang bilang ng babae para nang sa gayo’y marami rin silang taga-igib. Solusyon din umano ito sa problema nang pagpila sa nag-iisang balon na may isang oras ang layo mula sa Denganmal. Isa sa halimbawa ng lalaking nagpakasal para magkaroon ng taga-igib para sa kanyang pamilya si Sakharam Baghat. May tatlo siyang asawa at aniya, naghanap siya ng pangalawang asawa dahil ang una niyang maybahay ay abala sa pag-aalaga ng kanilang mga supling kaya kinailangan siyang magpakasal sa isa pa para may taga-igib sila ng tubig. Muling nagpakasal si Baghat sa ikatlong misis nang magkasakit ang pangalawa niyang asawa. Ipinagbabawal sa batas ng India ang pagkakaroon ng sobra sa isang asawa ngunit pangkaraniwan na itong ginagawa sa mga bayang katulad ng Denganmal na kailangang makibagay ayon sa nagbabagong klima sa kanilang lugar.
ni Tracy Cabrera