ANG tradisyonal na tug-of-war na ginagawa sa Naha sa Okinawa, Japan ay isang paligsahan ng lakas na ginaganap taon-taon pero kamakailan ay kakaiba ang nasaksihan ng mga napahilig manood nito—ang ginamit na lubid ay tumitimbang ng 40 tonelada!
Tinatayang nasa 27,000 katao ang lumahok sa na-sabing paligsahan, na na-ging dahilan kung bakit noong 1997 ay ipinalista ito ng Guinness World Records bilang pinakamalaking hilahan ng lubid sa buong mundo.
Bago maghihilahan ang mga kalahok, nagsasagawa muna ng isang martial arts exhibition bilang rituwal na naghuhudyat ng pagsisimula ng hilahang-lubid. Matapos ang rituwal ay magsisimula nang maghigitan ng lubid ang magkalabang panig at ang idedeklarang panalo ay yaong makahihila ng lubid sa layong 15 metro.
Kung wala namang ma-kagawa ng itinakdang layo, ang magwawaging panig ay yaong makahihigit ng lubid nang mas malayo sa loob ng 30 minuto.
Kadalasang iniuuwi ng mga kalahok sa paligsahan ang bahagi ng lubid na kanilang hinihila bilang pampasuwerte at good luck charm kaya malimit na may dala silang panggupit para maiuwi ang kapiraso ng lubid.
Noong ika-17 siglo unang ginanap ang malakihang hilahan ng lubid sa Naha. Ginawa ito bilang pasasalamat at pagsasaya ng mga magsasaka tuwing panahon ng ani sa naturang lugar. Ngayon ay isa nang modernong lungsod ang Naha ngunit tulad ng isinasagawa sa maraming lugar sa Japan na napakalakas ng pagrespeto at paniniwala sa tradis-yon at kultura, ipinagpapatuloy pa rin ng mga taga-Naha ang nakagawian nila bilang bahagi ng kanilang pamumuhay.
ni Tracy Cabrera