Natutulog ba ang HPG laban sa illegal terminal sa EDSA, Pasay City?
Hataw News Team
December 23, 2015
Bulabugin
TUTULOG-TULOG ba ang Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa pamumuno ni Chief Supt. Arnold Gunnacao at hindi niya napapansin ang napakahabang illegal terminal diyan sa kanto ng Roxas Blvd., at EDSA sa Pasay City?!
Natuwa pa naman tayo nang linisin ng PNP-HPG ang Mabuhay Lane. ‘Yun bang tipong lahat ng nakaharang sa kalsada ay hinahatak at sapilitang binabaltak.
Hindi ba’t nagkahabulan at nagkabarilan pa nga nang linisin ‘yang Mabuhay Lane?!
‘E bakit ‘yang napakahabang ‘parada’ ng sasakyan sa ilalim ng tulay sa Roxas Blvd., at EDSA, Pasay City, hindi malinis-linis ng PNP-HPG?!
Hindi ba ninyo alam na grabeng traffic ang idinudulot ng mga nakahambalang na sasakyan diyan sa area na ‘yan.
Kantong-kantong po iyan, kaya ‘yung galing sa SM MOA na kakanan sa Roxas Blvd., e nag-iimbudo na sa area na ‘yan.
Nagtataka naman tayo kung bakit hindi ito napapansin ng mga taga-PNP-HPG gayong kitang-kita na ‘yan ay cause ng traffic.
Mayroon bang nakikinabang diyan na hindi kayang banggain ng PNP-HPG?!
Aba, ano na ang nangyari sa sinasabi ni Gen. Gunnacao na lilinisin ng PNP-HPG ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila para sa ikagagaan at ikaluluwag ng trapiko ng mga sasakyan?!
Pulis ba talaga si Gen. Gunnacao o arkitekto?!
‘E napakahusay magdrowing!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com