MAAARING sa susunod na administrasyon na maipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL), ang panukalang batas na naglalayong bumuo ng Bangsamoro Region sa Mindanao, alinsunod sa kasunduang pinasok ng pamahalaan at Moro Islamic Liberal Front (MILF).
Ito ang sinabi ni Senate Local Government Committee chairman Sen. Bongbong Marcos, kasabay ng huling sesyon ng Kongreso kahapon para sa kanilang Christmas break.
Aminado ang senador na gahol na sa oras para maipasa ang BBL lalo na sa Kamara na madalas walang quorum ang mga kongresista.
Malabo na rin aniya na matutukan ng Kongreso ang BBL sa susunod na taon dahil election period na lalo’t maraming mga mambabatas ang kakandidato.
Bagama’t sa Senado ay maaaring talakayin pa rin ang BBL ngunit ayon kay Marcos, hindi rin nila agad mapagbotohan dahil may isyung inilabas si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na dahil ‘local in applications’ ang BBL ay dapat maunang maaprubahan sa Kamara bago sa Senado.