INC abswelto sa kaso sa US (Nuisance cases kinondena)
Hataw News Team
December 14, 2015
News
KUNG ‘nuisance candidates’ ang panggulo sa mga halalan sa Filipinas, tinawag namang ‘nuisance cases’ ang mga kasong isinampa ng mga kritiko ng Iglesia ni Cristo (INC) bilang bahagi ng “pinagkaisang hakbang upang gipitin at ipahiya ang Iglesia at ang mga kaanib nito.”
Ito ang mariing ipinahayag ng tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala noong linggo kasabay ng pagbubunyag na muling nanalo ang kanilang simbahan sa kasong isinampa ng isang dating miyembro sa Estados Unidos na matapos maitiwalag sa relihiyon ay humiling sa hukuman na maibalik sa kanya ang lahat ng lingguhang abuloy noong kabilang pa siya sa Iglesia.
Sa isang desisyong ibinaba noong nagdaang linggo, ibinasura ni Judge Salvador Laquinto ng Virginia Beach ang petisyong isinampa ni Lilibeth Rose laban sa ministro ng INC na si Steven Inocencio dahil sa “mali-maling testimonya” sa hukuman.
Matapos sabihin na ang kanyang lingguhang inabuloy bago itiniwalag ay dapat maibalik sa kanya “dahil ang pagtitiwalag ay nagsisilbing hadlang sa pakikilahok niya sa lingguhang ‘abuluyan’ hanggang sumapit ang selebrasyon na kilala sa INC bilang ‘Taunang Abuloy ng Pasasalamat.”
Pinaalalahanan ni Laquinto si Rose na lahat ng offering o abuloy sa simbahan ay ibinibigay nang maluwag sa kalooban at ginagawa upang “parangalan ang Diyos. Ang offering, ayon sa hukuman, ay taos-puso at bunga ng pananalig sa espiritwal na dahilan ng paghahandog noong miyembro pa ng Iglesia ni Cristo.
Sa tanong ng mahistrado kung papayagan ni Lilibeth si Inocencio na ibigay sa kanya ang naitatabi niyang halaga, “Hindi” ang ibinigay na sagot sa korte.
Sa puntong ito napabulalas ang huwes at sinabing, “parang nais mo lamang gumanti sa Iglesia kaya ka nagsampa ng demanda.”
Ayon kay Zabala, ang mga usaping legal na patuloy na pinagtatagumpayan ay patunay sa pahayag sa simula pa lamang na kapag ang mga totoong pangyayari at ebidensya ay tinitimbang ng batas at hukuman, walang dapat ikatakot dahil ang katotohanan sa likod ng mga paratang ay mabubunyag; na lahat ito ay pawang ‘nuisance cases’ na sadyang isinasampa upang gibain ang reputasyon ng Iglesia at ng pamunuan.
Sa ulat, si Rose ay naimpluwensiyahan lamang ng “Restore the Church (RTC) movement” ang grupong binubuo ng mga dating miyembro ng INC sa US na kumakausap sa mga kasapi ng Iglesia na ihinto ang pagbibigay ng “offering” o abuloy sa simbahan.
Ang RTC din umano ang nasa likod ng tangkang pagsampa ng ‘class action suit’ laban sa ministrong si Inocencio ngunit nabigo dahil tanging si Rose lang ang nag-iisang nagsampa ng demanda sa hukuman ng Virginia.
Bago ang pagbasura ng hukuman sa nabanggit na demanda, ipinagkalat ng RTC sa internet na malaki ang tsansa na ang kasong isinampa ni Rose ay matuloy sa pagkakahatol kay Inocencio at sa ibang pinuno ng INC dahil sa salang paglabag sa RICO (Racketeering, Influenced and Corrupt Organizations) Act, FACTA (Fair and Accurate Credit Transactions) Act at wire fraud.
“Patuloy kaming pinapawalang-sala ng mga desisyon ng mga piskalya at hukuman dito at sa ibayong dagat. Ang mga kasong isinampa ng mga naghihinanakit na ‘tiwalag’ sa Iglesia ay ibinasura ng DOJ noong nakaraang buwan dahil sa kawalan ng ebidensya at probable cause. Ngayon, may panibago na namang tagumpay halaw sa desisyong iginawad ng hukuman sa US,” ayon kay Zabala.
“Batid ng aming mga kritiko na hindi nila kayang manalo sa batas at hukuman, kaya nga ang nalalabi nilang opsiyon ay ilako ang kanilang hinabi at walang basehang mga istorya sa media na nagbibigay espasyo sa hungkag nilang mga paratang,” paliwanag ni Zabala.
Dalawang linggo na ang nakararaan nang ibunyag ng Amerikano at dating ministro ng INC na si Vincent Florida ang umano’y mga iregularidad sa pangangasiwa ng mga nakokolektang abuloy sa mga pagsambang isinasagawa ng Iglesia dalawang beses kada linggo.
Ibinunyag din ni Florida na isinumbong niya ang nasabing ‘tax fraud irregularities’ sa US Internal Revenue Service (IRS). Ngunit agad naman itong itinanggi ng IRS, ilang araw matapos mapabalita ang mga alegasyon ni Florida.
Wala umanong “tax offense case” na nakasampa laban sa kahit na sinong opisyal ng INC sa alin mang US federal court.
Matapos hingan ng katibayan, umamin si Flo-rida na ang ibinunyag ni-yang “private jet ng INC na ginagamit ng mga opisyal ng Iglesia” ay hindi kayang patunayan dahil narinig lamang niya ang usaping ito.
Ani Zabala, patuloy silang nakatatanggap ng mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa mga miyembro at ilang tagapanalig na ang panggigipit at paninira sa INC ay magpapatuloy.
“Kung ang layunin ng aming mga kritiko ay wasakin ang Iglesia at lasunin ang pagkakaisa ng mga kapatid, kabaliktaran ang epekto ng mga walang-basehan nilang litanya ng paninira. Ang mga panalong ito sa hukuman ay itinuturing naming biyaya ng Diyos na nagpapatibay sa aming paninindigang ipagtanggol ang Iglesia laban sa tuloy-tuloy, planado at pinondohang mga pag-atake,” ayon sa tagapagsalita ng INC.