INC walang eroplano
Hataw News Team
December 4, 2015
News
“Walang airbus ang Iglesia.”
Ito ang mariing tinuran ni Iglesia Ni Cristo (INC) Spokesperson Edwil Zabala kahapon bilang tugon sa alegasyon na nagmamay-ari sila ng Airbus 330-202, ang multi-milyong dolyar na eroplanong ginagamit umano sa kanilang mga biyahe sa ibang bansa.
Sa ilang naunang balita ngayong linggo, inakusahan ng mga itiniwalag na ministro ng Iglesia na sina Isaias Samson, Jr., at Vincent Florida ang pamunuan ng INC na iredularidad sa pangangasiwa ng mga abuloy mula sa iba’t ibang lokal sa Estados Unidos na umano ay idinideposito sa ilang banko sa Cayman Islands at sa Switzerland. Ayon kay Samson, inililipad ang mga pondong ito sa pamamagitan ng mga eroplanong pagmamay-ari ng INC.
Ilang mga ulat din ang nagsasabing ang pamunuan ng Iglesia ay nagmamay-ari ng Airbus 330-202 at isang Boeing executive jet na nagkakahalaga ng mula 8.8 bilyong piso ($200 million) hanggang 11 bilyong piso ($250 million). Kung kayang patunayan ni Samson na ang Iglesia ay nagmamay-ari ng Airbus 330-202 o kahit na ano mang eroplano, kanya na yon,” ayon kay Zabala.
Hinamon din ni Zabala si Samson at Florida sa alegasyon tungkol sa offshore accounts sa Cayman Islands at sa Switzerland.
Ayon sa tagapagsalita ng INC, nakahandang pumirma ng waiver ang mga pinuno ng Iglesia upang ang dalawang tiniwalag na ministro, o kahit na sinong imbestigador na pinili nila, na magsiyasat hinggil sa mga awtoridad ng nabanggit na bansa.
Patuloy na pinaninindigan ni Zabala ang sinabi na mahigpit ang mga panuntunan ng INC sa audit kung kaya pumasa ang Iglesia sa estriktong pamantayan ng America sa iginawad nito sa kanilang tax-exempt status.
“Masusi ang aming pagtalima sa mga panuntunan ng Iglesia hinggil sa pangangasiwa sa nakokolektang abuloy. Hindi matatawaran ang pinaiiral na audit procedures. Kung hindi, hindi kami magagawaran ng tax-exempt status ng gobyerno ng Estados Unidos,” paliwanag ni Zabala sa isang panayam.
Dagdag niya, ang mga abuloy umano ng mga miyembro ng Iglesia ay naka-audit at napupunta sa pagpapatayo ng mga kapilya at sa mga “socio-civic activities.”
Ayon sa tagapagsalita ng INC, mahigit 800 na ang mga kapilyang naitayo sa maraming bahagi ng mundo mula nang manungkulan ang kasalukuyang Punong Tagapangasiwa ng Iglesia na si Eduardo V. Manalo.
Ikinalulungkot din umano ng Iglesia, ayon sa ministro, ang panibagong bugso ng mapanirang mga pahayag ni Samson at ni Florida. Ang dalawang nabanggit ay itiniwalag ng INC noong Hulyo.
Ayon kay Zabala, ang “walang-tigil na paninira” sa INC ni Samson at iba pang mga dating ministro ay “maaaring maliit na bahagi lamang ng isang mas malaki at sistematikong plano upang tibagin ang Iglesia.”
“Lubhang nakalulungkot lamang, sa gitna ng napakarami nang ‘outreach work’ na isinagawa at isinasagawa ng Iglesia para sa nangangailangang mga kapatid, at maging sa hindi kaanib,” dagdag ni Zabala.
“Walang ginawa ang INC at ang mga kapatid upang pagdaanan ang ganitong pagmamalabis. At uulitin ko po ang aming pakisuyo sa publiko na maging mapanuri sa mga negatibong paratang na wala namang basehang legal at hindi makakatotohanan. Nakaumang lamang upang paghariin ang ligalig sa Iglesia at gibain ang institusyong pinag-iinugan na ng buhay ng mga kapatid.”