Marcos nanawagan kampanya vs ISIS
Niño Aclan
November 18, 2015
News
INALARMA ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., ang intelligence agencies ng militar at pulisya na paigtingin ang kanilang operasyon laban sa balak na pagtatag ng official faction ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Southeast Asia ng Malaysian terrorists na nagtatago sa Mindanao.
Ginawa ni Marcos ang panawagan makaraan ang madugong pag-atake ng mga terorista sa Paris, at sa ulat ng Strait Times na sinasabing balak pag-isahin sa ilalim ng ISIS ang mga grupo ng terorista sa Malaysia, Indonesia at Filipinas, kasama na rito ang Jemaah Islamiah at Abu Sayyaf.
“Hindi natin dapat hayaang mangyari ito, dapat tayong maging handa. Marapat lamang na doblehin ng ating mga awtoridad ang kanilang intelligence gathering para masugpo ang gawain ng mga teroristang ito,” ani Marcos.
Bukod dito, sinabi rin ng senador na dapat palakasin ng ating intelligence agencies ang kanilang sistema ng pakikipagtulungan at palitan ng impormasyon sa kanilang mga katulad na ahensiya sa rehiyon para mapalakas ang depensa laban sa banta ng terorismo.
Nakiusap din si Marcos sa ating mga kababayan na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagbibigay ng impormasyon sa ano mang kahina-hinalang gawain na maaaring magresulta sa pag-aresto sa mga terorista o pagpigil sa kanilang maitim na balak.
Ayon kay Marcos, maraming intelligence expert ang nagsasabing karamihan sa mga “lead” na nagbunga sa pag-aresto sa mga terorista at paghadlang sa kanilang atake, ay mula sa mga karaniwang mamamayan.
“Kung hindi tayo tutulong sa ating mga awtoridad ay mahihirapan silang pigilan ang banta ng terorista. Baka dahil sa impormasyong ibibigay mo ay mailigtas mo ang iyong anak, asawa o kamag-anak sa kapahamakan?” ani Marcos.
Ayon sa ulat, si dating University of Malaya lecturer Dr. Mahmud Ahmad ang pinuno ng grupo ng Malaysian terrorist na nagbabalak magtatag ng grupo sa ilalim ng ISIS, kasama sina Mohd Najib Husen at Muhammad Joraimee Awang Raimee.