Gov’t dapat maawa sa mahihirap na taxpayers — Marcos
Niño Aclan
November 10, 2015
News
“MAAWA naman kayo sa mahihirap na nagpapasan ng mabigat na buwis.”
Ito ang panawagan ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., sa Malacañang sa harap ng pagsisikap ng mga pinuno ng Kongreso na kombinsihin ang Palasyo para pumayag sa panukalang bawasan ang pasaning buwis ng mahihirap.
Makaraang ibasura ng ilang beses ng Malacañang ang panukalang baguhin ang umiiral na tax bracket, isang bagong bill ang isinusulong ngayon ng mga lider ng Kongreso at gagawing basehan sa ibabayad na buwis ang inflation.
“Panahon nang tugunan ang nangyayari ngayon kung saan ‘yung mga low-income at middle-income nating mga kababayan ay nagbabayad ng buwis na dati ay para lamang sa mayayaman. Tigilan na sana ng Malacañang ang pagmamatigas nila laban sa panukalang ito,” ani Marcos.
Isa aniya ang mabigat na buwis sa mga dahilan kung bakit ayon sa ulat ay dumausdos ang ranking ng Filipinas sa Prosperity Index sa 74, kompara sa ranking na 67 noong 2014 sa kabila nang ipinagmamalaking pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
“Marami sa ating mga kababayan ang hindi nakararamdam ng sinasabing pag-unlad ng ating ekonomiya, na ang pag-unlad ay para lamang sa mayayaman. Isa sa paraan upang matugunan ang ganitong sitwasyon ay pagaanin ang pasanin sa buwis ng ating mahihirap,” giit ng senador.
Bukod sa bigat ng buwis, nahaharap din ang mahihirap nating kababayan sa problema nang patuloy na pagtaas ng presyo, kabilang na ang mga pangunahing pangangailangan.
Ayon sa survey ng Social Weather Stations na ginawa noong Setyembre 2-5, tumaas ang insidente ng kagutuman sa bansa hanggang 15.7 percent na kumakatawan sa 3.5 milyon pamilya na nakararanas ng gutom minsan sa nakaraang tatlong buwan, kompara sa 12.7 porsyento o 2.8 milyong pamilya noong Hunyo ng kasalukuyang taon.