KUMPARA sa naunang laro ng Barangay Ginebra kontra Star, maganda and ikinilos at ipinakita ng Gin Kings sa kanilang ikalawang game laban sa Barako Bull noong Sabado.
Katunayan ay na-excite ng todo ang mga fans ng pinakapopular na team sa bansa dahil sa nilamangan kaagad nila ang Barako Bull ng 21 puntos, 27-6 sa dulo ng first quarter na kinuha nila, 29-9. Pero hanggang doon na lang ang excitement.
Mula roon ay agam-agam na ang naramdaman ng mga fans nang magsimulang magsagawa ng comeback ang Energy. Naibaba ng Barako Bull ang abante ng Gin Kings sa 43-35 sa halftime bago naitabla ang score 57-all sa pagtatapos ng third quarter.
Sa dakong huli ay lulugu-lugong umuwi ang Gin Kings matapos na magwagi ang Energy, 82-79.
Iyon ang ikalawang sunod na kabiguang sinapit ng Gin Kings sa ilalim ng kanilang bagong head coach na si Tim Cone. Natalo sila sa Star Hotshots, 86-78.
Ang konsolasyon nga lang ni Cone at ng mga fans ng Barangay Ginebra ay hindi sila tinambakan ng Barako Bull. Di tulad ng nangyari sa kanila nang magharap sila ng Star. Lumayo kasi agad ang Hotshots sa first quarter at naghabol hanggang dulo ang Gin Kings.
Baligtad naman ang sitwasyon kontra Barako Bull. Pero pareho ang resulta.
Siyempre, nakakapikon iyon. Kahit si Cone mismo ay hindi mawari ang nangyari. Sa haka siguro niya ay nasolusyunan na niya ang problema.
Pero ganoon talaga. Nanganganay siya, e.
Isa pa, ang unang dalawang coaches na nakatagpo niya ay mga dati niyang assistants. Ang Star ay hawak ni Jason Webb at ang Barako Bull ay hawak ni Koy Banal.
Aral sa kanya ang mga iyon at alam kung paano labanan ang triangle offense.
May siyam na ibang coaches ay hindi naging assistants ni Cone, e.
Baka doon ay magwagi na ang Gin Kings!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua