Smartmatic machines pinuri ni US Pres. Obama
Niño Aclan
September 24, 2015
News
MAGING si US President Barack Obama ay may tiwala sa Smartmatic machines.
Ito ang tahasang sinabi ni Smartmatic President Cesar Flores sa isang media forum para idepensa ang kredibilad ng mga PCOS machine.
Ayon kay Flores, maging ang boto na kanyang isinagawa gamit ang Smartmatic machines ay kompiyansa si Obama na mayroong sapat na kakayahan upang mabilang nang tama ang kanyang boto at hindi magkaroon ng dayaan ang halalan.
Maging noong 2012 gamit ang Smartmatic machines ay agad ding pinuri ni Obama ang mabilis at epektibong pagboto gamit ang nasabing mga makina.
“For all of you who have not yet earlier voted I just wanted everybody to see what an incredibly efficient process this was …” ani Obama sa mga panayam.
Ipinagtataka ni Flores kung bakit dito lamang sa Filipinas ay talamak ang propaganda laban sa ‘automation’ gamit ang Smartmatic machines.
Tinukoy ni Flores, na ang nasabing makina rin o uri ng machines ang ginamit sa halalan sa New York, Ontario at New Brunswick sa Canada at hindi sila nagreklamo ukol sa kabuuang sistema ng mga makina at pumasa sa lahat ng test.
Iginiit ni Flores, kaya lamang nagkakaroon ng pagdududa at maling pananaw sa Smartmatic machines ay dahil sa paninirang ipinalalabas ng mga grupong mayroong masamang hangarin at interes.
Ipinunto ni Flores, isa sa mga tumututol sa ‘automation’ ay si dating Comelec Commissioner Augusto “Gus” Lagman.
Napuna ni Flores na ito rin ang grupo na naghain ng reklamo at tumututol sa ‘automation’ noong 2004 at 2010 laban sa Smartmatic.
Sa kasalukuyan, ang Smartmatic ang nagbibigay ng election machines sa mga bansang katulad ng United States, Brazil, Venezuela, United Kingdom, Netherlands, at Filipinas.