Nakuha sa tiyaga ng hineteng si John Alvin Guce na maitawid ng primera ang kanyang sakay na si Messi sa naganap na 2015 PHILRACOM “5th Leg, Imported/Local Challenge Race” sa pista ng Metro Turf, sa Malvar, Batangas.
Sa alisan ay bahagyang inalalayan sa ayre ni Alvin si Messi at hinayaan muna ang ilang kalaban na magdikta ng harapan. Pagdating sa kalagitnaan ay medyo sinimulan na ni Alvin na hingan si Messi at nagresponde naman agad si kabayo mula sa ikalimang puwesto. Pagdating sa tres-oktbos (600-meters) ay nakalapit na sila sa mga nauunang kalaban na sina Bentley, Silver Sword at Strong Champion. Pagsungaw sa rektahan ay halos magkapanabayan na silang apat, kaya umaatikabong ayudahan pagpasok sa huling 200 metro.
Sa huling 100 metro ay bahagyang lumamang ang nasa may tabing balya si Silver Sword, subalit sa lakas ng pagremate at tindi ng ayuda ni Alvin ay nakaungos si Messi pagsapit sa meta. Naorasan ang tampok na pakarerang iyan ng 2:05.4 (24’-24-24-24’-28’) para sa 2,000 meters na distansiya. Mapapanood ang replay sa youtube na may titulong “MMTCI_082315_R04”.
Sa darating na Linggo ay suportahan natin ang pakarera ng pamilya Bagatsing sa pista ng San Lazaro sa Carmona, Cavite, kabilang diyan ang 2015 PHILRACOM “1st Leg, Juvenile Fillies/Colts Stakes Race”. Kaya ngayon pa lamang ay paghandaan na ang mas kapana-panabik na bakbakan ng mga thoroughbreds, lalo na iyong mga bagitong 2YO na mananakbo.
REKTA – Fred Magno