ABANGAN dahil mapapalaban nang mas maaga ang Pambansang Kamao Manny ‘Pacman’ Pacquiao, ayon kay Top Rank chief Bob Arum.
Sa panayam, inihayag ng sikat na promoter na mabilis nang nakare-reco-ver si Pacman sa kanyang injury sa kanang balikat sanhi ng huling laban kontra kay Floyd Mayweather Jr., nitong nakaraang Mayo sa Las Vegas, Nevada.
Binanggit ni Arum kay Joe Habeeb ng Thaboxingvoice.com ang sinabi ng mga therapist ni Pacquiao na talagang nabigla (‘stunned’) sila kung gaano kabilis sumasailalim ang Pinoy boxing icon sa kanyang rehabilitasyon.
“He sent us a video and the therapists are stunned at his progress,” wika ni Arum.
Una rito, inaasahang mabibinbin ang pagbabalik sa ring ni Pacquiao dahil na rin inutusan siyang mama-hinga ng kanyang mga doktor para maghilom ang injury sa balikat, ngunit sinabi rin ng kanyang mga therapist na posibleng mapalaban muli ang kongresista ng Sarangani ngayong taon.
“They said he could be back at the end of this year,” dagdag ni Arum.
Maaalalang pinatsudahan din ng Top Rank boss si Pacquiao dahil sa hindi pagseseryoso sa pagpapagaling ng kanyang shoulder injury, kung kaya ipinunto pa na ang People’s Champ umano’y “not an active fighter.”
Naging reaksiyon ito ni Arum makaraang hindi makadalo sa appointment si Pacquiao sa kanyang Los Angeles surgeon na si Neal ElAttrache para sa follow-up check-up.
Siniguro naman ni Pacman na maayos ang lahat.
Samantala, sa panayam din ng Thaboxingvoice.com, inihayag ni Arum na posibleng makaharap ng Pambansang Kamao si WBO junior welterweight champion Terence Crawford sa pagbabalik ng Pinoy champ sa boxing ring.
“That (Pacquiao-Crawford bout) would be a tremendous, tremendous fight,” sinabi ni Arum bago nagharap sina Pacquiao at Mayweather.
Maaari rin mapalaban si Pacman kay Amir Khan ng Great Britain dahil nagdeklara ang British champion na nais niyang makasagupa ang eight-division world champion sa Dubai.
ni Tracy Cabrera