IILAN lamang ang makapagsasabing kaya nilang panghawakan ang isang ‘plank’ nang mahigit limang minuto, lalo na kung limang oras pa. Sadyang mahirap na gawin ito kahit pa magsanay nang araw-araw dahil ang tunay na kailangan dito ay endurance at lakas.
Ngunit isang lalaki ang bumasag kamakailan ng Guinness World Records sa pamamagitan ng pagpa-planking nang mahigit sa limang oras.
Sa pagnanais na makatulong at makalikom ng salapi para sa mga nasugatang sundalo ng United States Marines, kina-yang hawakan ni dating U.S. marine George Hood ang isang plank sa loob ng limang oras, 15 minuto at limang Se-gundo—isang bagay na siya pa lang ang napa-ulat na nakagawa.
Ang huling record sa ‘planking’ ay hawak ni Mao Weidong ng Beijing, China, na umabot sa apat na oras at 26 minuto.
Gumugol ang 57-anyos na si Hood ng araw-araw na pagsasanay sa nakalipas na siyam na buwan para maisagawa ang record attempt, na umaasa naman ang ex-Marine na makatatawag ng pansin sa kalalakihan at kababaihang nanunungkulan sa U.S. military service.
“May mga nasugatang Marines na nagbalik mula sa laban, na ang mga sugat ay life-altering kaya ang discomfort na aking nararamdaman ngayon ay balewala kung ihahambing sa kanilang dinaranas,” punto ni Hood sa panayam ng NBC San Diego matapos maitala ang kanyang world record.
Kinalap ni Tracy Cabrera