HINDI na pinautang, ginahasa pa ang 17-anyos dalagita ng isang lalaki kamakalawa sa lungsod Pasay.
Luhaang dumulog sa tanggapan ng Women’s and Children’s Protection Desk ng Pasay City Police, ang biktimang itinago sa pangalang si Deborah, ng Taguig City.
Habang nakakulong na sa Pasay City Police detention cell ang suspek na si Jeorge Fernandez, 34, caretaker, residente ng Block 24, Lot 7, Pinagsama Village Phase 1, Taguig City.
Sa sinumpaang salaysay ng biktima sa pulisya, naganap ang insidente dakong 10 p.m. sa barracks ng Conrad Mall Of Asia (MOA), Pasay City.
Dahil magkakilala ang dalawa, umutang ang biktima sa suspek ng halagang P4,000.
Ngunit hindi pinautang ng suspek ang biktima kundi kinuwentuhan lamang hanggang niyaya sa loob ng barracks at doon hinalay. (JAJA GARCIA)