FOI ibinasura sa SONA ni PNoy – ALAM
jsy publishing
July 29, 2015
Opinion
SINO ang makalilimot nang sabihin ni Pangulong Noynoy Aquino na ang Freedom of information (FOI) bill ay isa sa mga panukalang batas na kanyang prayoridad at titiyaking ipapasa sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Umasa ang Alab ng mga Mamamahayag (ALAM) sa pangakong ito ni PNoy. Ang pag-asang ito ay nakabatay sa paniniwala na sa sandaling maisabatas ang FOI, ang publiko lalo na ang mga mamamahayag o journalist ay magkakaroon ng access sa mga dokumento o impormasyon ng pamahalaan.
Naniniwala ang ALAM na sa sandaling maisabatas ang FOI, magkakaroon ng transparency at accountability ang lahat nang gastusin ng pamahalaan at ang usaping sa korupsiyon ay tiyak na masasawata o maiiwasan.
Pero sa halos limang taon panunungkulan ni PNoy, at sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA), malinaw na tinalikuran niya ang kanyang pangakong ipasa ang FOI.
Sa halip na sabihing ipapasa niya ang FOI bill sa nalalabing buwan ng kanyang panunungkulan, kinalimutan niya at binigo ang taumbayan.
Kinokondena ng ALAM ang pagiging manhid ni PNoy sa panawagan ng taumbayan na kagyat na ipasa ang FOI bill. Ang hindi pagsasabatas ng FOI bill ay malinaw na pagbibigay ng proteksiyon sa mga naghaharing uri sa lipunan. Tama nga sabihing wala talaga tayong maaasahan sa pangulong isang asendero.