NANGAKO ang ABS-CBN Sports na magiging mas maganda ang pagsasahimpapawid ng mga laro ng men’s basketball sa Season 91 ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) simula sa Sabado, Hunyo 27, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinabi ng pinuno ng Integrated Sports ng ABS-CBN na si Dino Llarena na sa pamamagitan ng sports channel na ABS-CBN Sports+Action 23 ay tiyak na mas masusundan ng mga estudyante ang mga laro ng NCAA sa telebisyon dahil sa mas matatag na iskedyul.
“We will make sure that the people can follow the games of the NCAA on a specific timeslot,” wika ni Llarena sa press launch ng NCAA kahapon sa MOA Arena. “We’ve made sure that the schedule for the NCAA is specific just like our other sports coverages.”
Magiging tema ng NCAA Season 91 ang “Engineered for Sports Excellence in the New Decade” sa ilalim ng punong abalang Mapua Institute of Technology.
“We’re expecting a more exciting NCAA season in all sports, other than basketball,” ayon kay NCAA president Dr. Reynaldo Vea ng Mapua.
Maglalaban sa Sabado ang defending seniors champion na San Beda kalaban ang Mapua sa ala-una ng hapon at susundan ito ng sagupaang Arellano University at Jose Rizal University sa alas-tres.
Gagawin ang opening ceremonies sa alas-11:30 ng umaga.
Mapapanood ang NCAA sa ABS-CBN Sports tuwing Martes, Huwebes at Biyernes maliban sa unang araw ng liga na gagawin sa Sabado.
Tig-dalawang laro sa seniors ang mapapanood tuwing Martes at Huwebes at tatlong laro naman tuwing Biyernes.
Matatandaan na bumalik ang NCAA sa ABS-CBN para sa susunod na sampung taon simula ngayong taong ito pagkatapos ng tatlong taong pagsasahimpapawid nito sa TV5.
Kinompirma rin ni Llarena na magiging courtside reporter ng NCAA ang aktres ng ABS-CBN na si Myrtle Sarrosa.
“I want to show na tama ang desisyon ng ABS-CBN to give me this opportunity to do NCAA,” ani Sarrosa. “Excited ako that ABS-CBN saw my potential in reporting so they asked me to audition and nakuha ko naman.”
(James Ty III)