NASAAN na ang sinasabing imbestigasyong gagawin ni Kabataan party-list Rep. Terry Ridon sa mga paintings na bahagi ng ill-gotten wealth ng pamilya Marcos?
Halos walong buwan na ang nakararaan simula nang sabihin ni Ridon na magsasagawa siya ng imbestigasyon, pero hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayaring House inquiry.
Totoo bang nasuhulan si Ridon nang malaking halaga ng salapi kaya hindi niya itinuloy ang imbestigasyon laban sa pamilyang Marcos?
Nakapagtatakang biglang nanahimik si Ridon at nakalimutan ang pangakong imbestigasyon kung wala rin lang naman naging kapalit ito.
Nakapanlulumo at nakalulungkot ang ganitong akusasyon laban kay Ridon. Maituturing na isang mulat at makabayang mambabatas si Ridon, kaya nakabibigla kung masasangkot siya sa isang kontrobersiya na walang ipinagkaiba sa mga kasong kinasasangkutan sa ngayon ng mga traditional politician.
Kailangan magpaliwanag si Ridon sa taumbayan. Kailangan linisin niya ang kanyang pangalan dahil nasakasalalay din dito ang pangalan ng Kabataan party-list na kanyang kinaaaniban.
Puno na ng buwaya ang Mababang Kapulungan ng Kongreso, at mahirap na isiping isang miyembro ng Kabataan party-list ay nakikipagsiksikan din dito.