P4.5 M sa 3 cell phones na ipinuslit sa selda ng NBI
hataw tabloid
June 13, 2015
Opinion
AKALAIN ninyong ang bawat isa sa tatlong cell phones na ipinuslit umano sa loob ng pansamantalang selda sa National Bureau of Investigation (NBI) ng mga “high-profile” na presong galing sa New Bilibid Prison (NBP) ay nagkakahalaga ng tumataginting na P1.5 milyon.
Ang masaklap pa ay tatlong ahente raw ng NBI ang nagpuslit nito kaya ini-relieve sila sa puwesto ni Justice Sec. Leila de Lima, matapos isumbong sa kanya ng isa mismo sa naturang high-profile inmates.
Hindi pinangalanan ni De Lima kung sino-sino ang tatlong sinibak na NBI agents.
Ganoon pa man, kapag napatunayang totoo ito at napatotohanan na sabit din sa kagaguhan ang ilang ahente ng NBI.
Ang tatlong ahente ay bahagi ng NBI team na inatasan ni De Lima na magsagawa ng biglaang paghahalughog sa loob ng selda ng high-profile inmates, upang malaman kung may mga naipupuslit na droga o kontrabando sa loob nito.
Pero ayon sa impormante ni De Lima ay sa mga paghahalughog na ito rin umano nagawang ipuslit ng tatlo ang mga cell phone sa mga preso kapalit ng P1.5 milyon bawat isa.
Ang hinala ni De Lima ay maaaring may opis-yal ng bureau na nag-uutos sa kanila at ang damuhong iyon ang gusto niyang matukoy kung sino.
Isinailalim ni De Lima ang impormante sa Witness Protection Program (WPP) habang iniim-bestigahan ang kaso, para na rin sa kanyang kaligtasan at kapakanan sa posibleng paghihiganti ng mga kapwa niya preso.
Maaalalang ang naturang high-profile inmates ay inilipat sa NBI noong Disyembre matapos matuklasan sa raid sa NBP ang mga ipinagbabawal na gamit at droga sa kanilang mga selda. Karamihan sa kanila ay sangkot sa kasong droga at kayang gamitin ang sandamakmak nilang pera para itapal sa mukha ng kanilang bantay.
Sa hirap ng buhay ngayon ay madaling silawin ng mga milyones ang serbisyo ng ibang nagtatrabaho sa loob at labas ng gobyerno. Kung ang mayayamang politiko nga ay nagagawang magnakaw ng pondo mula sa gobyerno ang maliliit pa kaya ang hindi?
Pero lilinawin din natin na hindi lahat ng mga naglilingkod sa gobyerno sa NBI, PNP, Customs, Kongreso o sa iba pa ay corrupt. Kung may mga buwaya na sobra ang siba sa pera at kayang nakawan pati ang gobyerno ay iilan lang sila, kompara sa matitino na gustong trumabaho nang parehas para kumita ng pera at suportahan ang kanilang pamilya.
Sa totoo lang, mga mare at pare ko, marami kasi ang hindi kayang masikmura na pakainin ang kanilang pamilya ng pagkain na ipinamili gamit ang pera na mula sa nakaw.
Tandaan!
***
PUNA: ”Maligayang Araw ng Kalayaan! Pero di pa rin tayo ganap na malaya sa mga corrupt at buwayang lider ng ating bansa. Nalalapit na naman ang halalan. Tiyak na nag-iipon na ng pondo ang mga trapong politiko. Huwag na ta-yong magpaloko sa mga angkan ng mga politikong iniisip lamang ang pansariling kapaka-nan.”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.