Araw ng Kadayaan
hataw tabloid
June 12, 2015
Opinion
NAKALULUNGKOT na iba-iba ang galaw sa araw na ito ng mga halal ng bayan. Araw ng Kalayaan man ngayon, malinaw na tumatalima lamang ang ating mga lider sa kagustuhan ng makapangyarihang si Uncle Sam. Kaya kung may maskuladong kaisipan ang ipinangangalandakan nating mga lider, lalo ang nasa Kongreso, mapagninilay-nilay nila na hindi totoong mayroon tayong kasarinlan. Malinaw na kabalintunaan at hung-kag ang ating ipinangangalandakang kalayaan.
Madaya ang mga Amerikano dahil binigyan nga tayo ng kalayaan pero sa realidad, sakal-sakal pa rin nila tayo sa leeg. Sunud-sunuran tayo sa lahat ng gusto nilang ipatupad na patakaran sa ating bansa. Kaya nga ngayong ika-117 taon ng tinatawag nating Araw ng Kalayaan, balewala ang lahat ng pagdiriwang mula sa Iloilo hanggang Malolos, mula sa Kawit hanggang Monumento, mula Luneta hanggang sa iba’t ibang panig ng ating bansa.
Paano natin masasabi na mayroon tayong kasarinlan kung hanggang ngayon, nakasandal tayo sa mga Amerikano sa larangan pa lamang ng pagtatanggol sa ating mga teritoryo? Bilyon-bilyong piso na ang ginugol natin sa modernisasyon ng ating Sandatahang Lakas pero gakuto lamang tayo sa paningin ng ating mga karatig bansa. Ni wala kasi tayong barkong pandigma na puwedeng magbantay sa ating mga karagatan gayong isa tayong arkipelago. Wala nga tayong magawa sa harap-harapang pambabastos ng China na ginawang instalasyong militar ang mga bahurang daantaon nang pangisdaan ng mga Pilipino.
Masasabing pinakamabuluhang aktibidad sa araw na ito ang protesta ng iba’t ibang grupo sa harapan ng konsulado ng China sa Makati City. Pangungunahan ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Rafael Alunan III ang protesta ngayon ng West Philippine Sea Coalition na may temang “China Stop Bullying! Be A Responsible Asian Leader.”
Sabi nga ni Alunan, napapanahon nang ipakita ng sambayanan ang pagkakaisa laban sa pambabastos ng China sa ating soberaniya sa pag-angkin sa mga teritoryong panahon pa ng mga Espanyol ay pag-aaari na ng Pilipinas tulad ng Panatag Shoal sa Spratlys.
Giit niya: “Wala man tayong Sandatahang Lakas na katulad ng sa China na isa nang superpower pero kailangan maunawaan ng mga Chinese na walang naniniwala sa inimbento nilang nine-dash line at dapat nilang igalang ang ating kasarinlan na natamo natin sa pakikibaka sa mga superpower tulad ng Spain, United States at Japan. Malinaw na pasok sa teritoryo ng Pilipinas ang mga ginawa nilang artipisyal na isla na hinihinala maging ng US na base militar na ngayon kaya mapanganib hindi lamang sa ating bansa kundi sa lahat ng bansang may mga barkong dumaraan sa nasabing karagatan. Kaya sa ating protesta sa araw na ito, pangunahin nating isisigaw sa harapan ng Chinese Consulate ang ‘Alis Diyan! Amin ‘Yan!’ upang ipaglaban ang ating lehitimong karapatan sa West Philippine Sea!”
Kagulat-gulat ding magkakaisa ngayon ang mga militante, makakanan at iba’t ibang sector laban sa pambabarako ng China sa ating bansa. Bukod kasi sa mga makakaliwang grupo, lalahok din sa protesta ang Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM) at ng mga grupong tulad ng Volunteers Against Crime and Corruption, Motorcycle Federation of the Philippines, Motorcycle Rights Association, Quezon City Motorcycle Association, Heroes Foundation, PRO-GUN, Anti-Drugs Advocates, mga mananakbo sa pangunguna ni Fr. Robert Reyes at marami pang iba.
Sana naman, dumating ang panahon na ipagdiwang natin ang Araw ng Kalayaan na taas-noo dahil may sariling puwersa tayo na kayang tapatan ang ginagawa ngayon ng China. At sana, dumating ang panahon na hindi na natin kailangan ang mga barkong pandigma ng Amerika para magbantulot ang ating mga kapitbahay na angkinin ang mga teritoryo natin. Kapag hindi kumilos ang mga lider natin ngayon, matatayuan na ng base militar ng China ang Hundred Islands sa Pangasinan sa susunod na Araw ng Kadayaan.