BUKAS ang Malacañang sa panukalang dagdagan ng P2,000 ang tinatanggap na pensyon ng Social Security System (SSS) members sa bansa.
Ginawa ni Communications Sec. Sonny Coloma ang pahayag makaraan lumusot sa Kamara ang panukalang batas na isinulong ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.
Sinabi ni Coloma, isa sa mga mahalagang layunin na itinataguyod ng pamahalaan ay pangalagaan ang kapakanan ng humigit-kumulang isang milyong pensyonado ng SSS.
Naniniwala aniya ang Malacañang na ano mang panukalang pagtaas sa buwanang pensyon ay kinailangang balansehin sa pagpapanatili ng pangmatagalan o long-term viability ng SSS bilang public pension fund.
Inihayag ni Coloma, iginagalang ng Malacañang ang Kongreso bilang hiwalay at kapantay na sangay ng pamahalaan.
Bahagi aniya ng kanilang tungkulin ang pagsasagawa ng mga konsultasyon sa mga kinatawan ng manggagawa at nagmamay-ari ng negosyo hinggil sa magiging epekto ng mga panukalang batas.