HINDI makatatakas sa responsibilidad si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa pagkamatay ng 72 manggagawa sa naganap na sunog sa pabrika ng Kentex.
Ang trahedya sa Valenzuela ay pananagutan hindi lamang ng may-ari ng pabrika, Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Fire Protection (BFP) kundi maging ng government ng Valenzuela City.
Kaya nga sa paghahain ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kina Interior Sec. Mar Roxas, Labor Sec. Rosalinda Baldoz at anim na ibang opisyal ng pamahalaan, nakapagtataka kung bakit hindi kasali rito si Gatchalian.
Malinaw ang responsibilidad ni Gatchalian nang pagkalooban ng pamahalaan ng Velenzuela City ng business permit o mayor’s permit ang Kentex sa kabila ng kawalan nito ng Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) mula sa BFP.
Hindi maaaring ikatuwiran ni Gatchalian ang sinabing Joint Circular 1 Series of 2010 ng DILG at Department of Trade and Industry kaya nagbigay sila ng permit sa Kentex sa kabila ng kawalan nito ng FSIC.
Tuwirang paglabag ito sa RA 9514 o Fire Code of 2008 na nagsasabi na ang FSIC ay rekesito bago makapag-isyu ng business permit o mayor’s permit. Ang isang batas ay hindi maaaring lagpasan ng isang circular lamang.