IN na rin ang 2GO passenger vessel sa computer age – puwede na rin kasi ang online booking dito tulad ng pagbiyahe sa himpapawid sa pamamagitan ng eroplano.
Madali lang din ang sistema o regulasyon ng pagkuha ng ticket sa online booking ng 2GO. Kaunting tsetseburetse – tipahin mo lang ang pangalan mo at destinasyon, ayos na. Habang ang mode of payment ay may dalawang paraan – through credit card o ‘di kaya debit through your account using an ATM card.
Ganoon kadali lang online booking sa 2GO. Ayos na ayos ‘di ba? Walang hassle. Hindi na kailangan pang lumabas ng bahay para magpunta sa mga authorized booking agency nila na masasabing mas mataas nang kaunti ang fare dahil sa charges na ipapatong. Minimal lang naman.
Pero wala nga ba talagang hassle na mararanasan sa 2GO kung sa online booking ka kumuha ng ticket?
Hassle free nga ba ang 2GO online booking?
Wala naman hassle sa online booking nila kaya lang, hindi totally nga bang hassle free ang 2GO. Hindi! Hindi! Hindi!
Yes, hindi at sa halip ay may malaking kapalpakan ang online booking ng 2GO.
Lamang, malalaman mo lang ang kapalpakan ng online booking ng 2Go kapag ikaw ay nasa loob o nakasakay na sa barko nila para bumiyahe.
Isang malinaw na palpak ang online booking ng 2GO ang naging masamang karanasan namin nang magtungo kami (ng aking pamilya) sa Boracay nitong nakaraang Huwebes (Mayo 28, 2015).
Walang budget pang-eroplano kaya 2GO na lang – lalo na’t biglaan ang lakad.
Alas-nuwebe ng gabi ang dapat na alis ng barko sa pantalan ng Batangas pero naantala ito ng mahigit isang oras. Ano pa man, okey lang naman iyong pagkaantala, naniniwala kasi ako na ang lahat ay may dahilan. Kung baga, hindi naman tayo nainis sa pagkaantala dahil una pa man nang mag-checkin kami ay sinabihan na kami na maaantala ang biyahe. Oks lang naman.
So, nasaan ang hassle kung okey lang ang naman ang pagkaantala ng biyahe.
Tulad ng sinabi ko, malalaman mo lang ang kapalpakan sa online booking ng 2GO kapag nasa loob ka na ng barko at pabiyahe na.
Heto ang kapalpakan na dapat baguhin agad ng pamunuan ng 2GO. Akalain ninyo na sa kabila nang minsanan lang ang ginawang online booking namin “tourist” ticket, aba’y nagulat na lamang kami at magkakahiwalay ang aming puwesto o kama sa loob ng barko. In short, ang inaasahan namin na magkakatabi kami ay hindi nangyari. Ang dalawang bata ay inilagay pa sa itaas na kama – double deck bed. Habang ka-ming mga magulang ay nakahiwalay sa ibang kuwarto ng tourist. Malayo sa mga bata. Pito kaming lahat – pinaghiwa-hiwalay. Tama ba ‘yon?
Nagreklamo kami sa mga crew ng 2GO kung bakit ganoon – kung bakit magkakahiwalay kami. Tanging masasabi lamang nila ay – ang problema ay nasa online booking.
Katunayan, hindi lang kami ang nagreklamo o nabuwisit sa palpak na serbisyo ng 2GO kundi mga biyaherong sa online booking kumuha ng ticket o reservation.
Sabi ng mga crew, matagal na raw nila ipinarating sa pamunuan ang nasabing concern dahil nga sa madalas nang inirereklamo ito pero, ganoon pa rin daw.
Kaya ang ginawa ko, tumabi na lamang sa aking anak na 8 years old – delikado kasi baka mahulog kung mag-isa siya sa itaas na kama. Pilit ko na lamang pinagkasya kaming mag-ama sa maliit na kama. Habang ang pamangkin kong 7 years ay tinabihan na rin ng isa pang kasama namin.
Ang problemang ito ay hindi na pala bago o lingid sa kaalaman ng pamunuan ng 2GO pero, bakit wala pa rin silang aksyon hinggil dito. Dahil ba sa sila lang (yata) ang barkong papuntang Boracay mulang Batangas kaya, okey lang sa kanila ang magtiis na lamang ang kanilang pasahero? Huwag naman. Intindihin n’yo naman sana ang lahat. Kaya nga minsanang booking ang ginawa kapag grupo ang bibiyahe, ito ay para magkakatabi silang lahat pero hindi e, palpak! Tulad ng nangyari sa amin, nakahiwalay ang mga bata. Tama ba iyon?! Hindi!
Suhestiyon ko sa 2GO, sana pamarisan ninyo ang online booking ng eroplano – iyon bang may chart na rin sa online ninyo na mamimili ng kanilang puwesto ang mga pasahero nang sa gayon ay hindi sila magkakahiwalay lalo na ang grupo-grupo o pamilya kapag lumakad.
Kaya ang masasabi ko’y palpak ang online booking ng 2GO!
Pero sa authorized booking agency ng 2GO inaayos ang seating/bed arrangement ng bibili sa kanila ng ticket. In short, kung puwede sa mano-mano, bakit hindi gawin sa online booking.
Para sa inyong komento, panig, suhestiyon at reklamo, magtext lang sa 09194212599.