KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng 72 manggagawang namatay sa sunog sa loob ng pabrika ng Kentex sa Valenzuela City. Karamihan sa mga biktimang manggagawa ay nakulong at hindi nagawang makalabas ng pabrika.
Tapos na ang sunog, pero maraming katanungan ang kailangang sagutin kung bakit nangyari ang sunog at kung bakit napakaraming naging biktima sa nasabing trahedya. At hindi lamang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang kailangang magpaliwanag kundi maging ang pamahalaan ng Valenzuela City.
Isa ang Valenzuela City sa may pinakamaraming pabrika sa Metro Manila, kaya hindi malayong ang paglabag sa National Building Code at paglabag sa Fire and Safety regulations ay naging talamak.
At sa kabila umano ng paglabag sa National Building Code, paanong nabigyan ng permit ang Kentex? Kailangang meron managot sa sinapit ng mga namatay sa sunog. Kailangang sumalang sa imbestigasyon ang DOLE, BFP, ang pa-munuan ng Valenzuela City government at ang may-ari mismo na si Veato Ang.
Hindi makapaghuhugas ng kamay si Valenzuala City Mayor Rex Gatchalian kung walang tunay na katarungang makakamit ang mga manggagawang namatay sa loob ng pabrika ng Kentex.