Sa laki ng kinita Pacquiao pagdidiskitahan na naman ng BIR
hataw tabloid
May 14, 2015
Opinion
HINDI na naman mapakali ngayon si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares lalo’t pumutok kahapon na nawasak ng welterweight megabout nina Floyd Mayweather Jr. ng United States at Manny Pacquiao ng Pilipinas ang lahat ng rekord sa professional boxing nang makakuha ng mahigit 4.4 milyong pay-per-view buys at kitang mahigit $500 mi-yon.
Sa ulat ni Kevin Iole ng Yahoo! Sports, sinira ng sagupaan nina Mayweather at Pacquiao nitong Mayo 2, 2015 sa MGM Grand, Las Vegas, Nevada ang total pay-per-view buys kaya kinikilala ngayon ang “Fight of the Millenium” na highest-grossing pay-per-view of all time.
Nawasak ng Mayweather-Pacquiao bout ang dating rekord na 2.48 milyong PPV buys sa laban ng hambog na Amerikano sa kababayang si Oscar De La Hoya noong 2007 at halos na-triple ang rekord na $150 milyon sa U.S. PPV revenue sa laban ni Mayweather kay Mexican Canelo Alvarez noong 2013. Maging ang live gate receipts sa MGM Grand Garden Arena ay kumita ng $71 milyon na sinira ang $20 milyong rekord sa laban nina Mayweather at Alvarez.
Pero para sa kampo ni Mayweather, mas pinahalagahan ang social media na sanhi ng pagwasak sa lahat ng rekord sa kasaysayan ng boksing kaysa boksingerong si Pacquiao na nagsakripisyo ng buhay para lamang matuloy ang laban.
Sabi nga ni Mayweather Promotions CEO Leonard Ellerbe: “The world is different now thanks to social media and the way you can market these events, Social media and the incredible amount of media coverage we had in the build-up to this fight played a huge role in all of this. My team always sets the bar high, and our goal was to break the previous record, and we just kept pushing the envelope. I can’t thank Floyd enough for making this all happen and it goes back to when he approached Manny in Miami (at a heat-Bucks game) that put the icing on the cake.”
Tiyak na malaki ang babayaran ni Pacquiao sa US sa buwis pero kasabay nito, siguradong pupuntiryahin siya ng BIR na maniningil din sa kanyang kinita sa laban. Pero sana naman, maging makatwiran ang BIR at alalahaning nakataya ang buhay ng Pambansang Kamao sa huli nitong laban. Napakaraming business tycoon na nandadaya sa buwis kaya sana, sila naman ang makita ng singkit na mga mata ni Henares.