Daming ‘di makatao sa pagpapasahod sa Boracay
hataw tabloid
May 14, 2015
Opinion
KARMA, nakatatakot ito kapag dumating sa buhay mo ‘ika nga. Maraming hindi kanais-nais ang maaaring mangyari sa isang tao kapag dumating ito.
Dumarating o ang madalas na nakararanas nito ay mga taong masyadong mapang-api sa kapwa. Kaya, huwag nang hintayin pang dumating ito bago magbagong-buhay o magpakatino.
Maalaala ko, noong nagbakasyon kaming pamilya sa Boracay, may 10 taon na’ng nakalilipas, hindi ko sinayang ang tatlong araw na pananatili namin sa isla. Opo, habang nasa bakasyon ay isiningit ko pa rin ang pagtatrabaho.
Tumuloy kami sa isang kilalang hotel doon – sa station 1. Habang kumakain kami ng lunch sa resto, narinig ko ang pinag-uusapan ng dalawang empleyado ng hotel, resort and restaurant. Patungkol ito sa kasong isinampa nila sa Labor (Kalibo, Aklan Branch) laban sa pamunuan ng hotel.
Matapos ang kainan, nagpahangin ako sa isang nipa hut malapit sa shoreline at tinawag ko ‘yong waiter. Nagpakilala akong isang mamamahayag at sinabi kong narinig ko ang kanilang pinag-usapang problema. Una’y natakot siya kaya tinawag ang kanyang kasama.
Sa madaling salita, nakombinsi ko ang dalawa na tulungan ang kanilang grupo kaya, binigyan nila ako ng kopya ng kanilang complaint sheet sa Labor at SSS. Nakita kong higit dalawang taon na pala ang kanilang reklamo pero wala pang nangyayari.
Sa reklamo, hindi lang underwage ang kanilang reklamo kundi marami, tulad ng non payment of overtime, night differential, holiday pay, at 13th month (kalahati lang).
Kaya pagbalik sa Metro Manila, agad nating inasikaso ang hinggil sa reklamo. Inaksiyonan naman agad ito ng dalawang ahensiya – agad silang nakipag-ugnayan sa Labor at SSS office sa Aklan.
To make it short ulit, nanalo ang kaso kaya tuwang-tuwa ang mga empleyado pero, silang lahat doon ay umalis na nang manalo at bayaran. At iyon nga, sinasabi na ang resort ay nakarma na raw dahil mahina na ito. Halos walang nang tumutuloy dito. Ganoon ba?
Iyan ang sinasabi ko, huwag hintayin ang karma kaya dapat kayo riyan sa Boracay ay maging matino sa pagpapasuweldo.
Napag-usapan uli natin ang kalagayan ng mga manggagawa sa Boracay dahil nakarating sa aking kaalaman na ang kalakarang ito ay patuloy pa rin. Nakalulungkot nga dahil maging ang naireklamo noong una ay kasama pa rin sa patuloy na lumalabag sa batas.
Pansamantalang hindi ko muna banggitin ang pangalan ng mga kilalang resort na sinasabing hindi makatao ang pagpapasuweldo.
Ang gusto ko kasing mangyari, mahawakan muna ang dokumento “complaint sheet” ng mga nagrereklamo. Nag-aalangan pa kasi silang magsampa ng reklamo dahil sa takot na balikan sila ng mga may-ari. Pero sa ngayon, ang mga manggagawa – waiter, waitress, bar tender, front desk crews/receptionist ay tumatanggap ng P200 hanggang P250 kada araw. Nag-aalangan o natatakot man ang mga manggagawa, naiintindihan natin sila pero, sana’y maglakas-loob sila para matapos na ang ‘buhay’ ng mga kapitalistang abusado.
Ano pa man, ang DOLE ay may kampanya laban sa abusadong employers kahit na hindi mag-file ng reklamo ang mga manggagawa. Ang ginagawa ay inisa-isa nilang dalawin at inspeksyonin ang libro ng mga establisimiyento para alamin kung tama ang pasahod. Kaya lang, medyo kaduda-duda ang ganitong hakbangin ng DOLE. Oo dahil malamang na pinakikinabangan ito ng mga tiwali sa DOLE.
Pero tayo ay nananawagan pa rin sa DOLE Aklan na magsagawa ng pagsalakay sa mga establisimiyento sa Malay partikular na sa resorts, hotels, at restaurants – isama na rin ang mga bar dahil maraming nagpapasuweldo nang wala sa minimum at kulang sa pagbibigay ng benefits.
Uli, sa mga nagmamay-ari ng mga kilalang resorts na mandurugas, huwag na ninyong hintayin ang karma.