Bulag ang hustisya para kay SPO1 Delfin Macario
hataw tabloid
May 14, 2015
Opinion
ALMOST six months na ang nakalilipas simula nang abangan, barilin at itumba ang anti-drug police operative na si SPO1 Delfin “Macky-Pansit” Macario sa isang lugar na ‘di-kalayuan sa headquarters ng Pasay City police noong gabi ng Nobyembre 28, 2014.
Sa mga buwang nakalipas, wala na tayong nabalitaan kung ano na ang kinahinatnan sa naganap na pagpatay kay Macario. Iyan ay kahit na nagkaroon ng reshuffle sa hepe ng Pasay City police station management and investigation section, sa chief of police at sa district director ng Southern Police District Office.
Tsk tsk task. Pulis si SPO1 Macario, paano na ang isang ordinaryong mamamayan na na-ging biktima rin karumal-dumal na krimen?
Matatandaan, pauwi sa kanilang tahanan si Macario nang lumapit sa kanyang Montero (SUV) na nakaparada sa F.B. Harrison St., Pasay City ang gunman. Hindi namalayan ni Macario ang paglapit ng gunman sa madilim na lugar. Dahil nadikitan si Macario, ilang bala ng automatic pistol ang pinakawalan ng gunman-killer na tumama sa kanyang katawan. Duguang bumagsak sa kalsada ang beteranong pulis-Pasay. Mabilis na tumakas ang di-nakikilalang gunman matapos ang successful na assassination.
Nalaman natin sa ibang sources, nang likidahin ang anti-drug police officer, sinasabing hindi nasunod ng local PNP ang “5-Minute Quick Res-ponse.” Hindi natin alam kung bakit gayong tatlong bloke lang ang layo sa PNP Pasay headquarters sa scene of the crime.
Kung susuriin ang pinagmulan ng krimen mula sa kalye Pasadenia, Moana at Balhalia, ito ay may ilang metro lamang mula sa HQ, ng Pasay-PNP. Iyan ay kung may available na organic res-ponders.
Anyway, ilang dekada ko nang kakilala si Macario. Mula sa Pasay, hanggang ma-reassigned siya sa PNP-NCRPO sa Bicutan, sa HQ ng SPD sa Fort Bonifacio, Makati. Magalang na pulis si Macario. Kuya ang tawag niya sa akin.
Hindi ko rin makalilimutan ang ilang kabutihan na ipinagkaloob niya sa akin noong siya ay nabubuhay pa.
Noong December 3, 2013, isang organic din ng Philippine National Police si SPO1 Jesus Tizon ang binaril at napatay sa Apelo Cruz St., na sakop ng Barangay 157 sa Malibay, Pasay City.
Nang mangyari ang krimen, nagsasagawa si SPO1 Tizon at ang kasamang pulis na si SPO1 Geraldino ng regular beat patrol sa nasabing area.
Sa imbestigasyon ng local PNP, nalaman nila na ang suspect na bumaril at pumatay kay SPO1 Tizon ay siga sa nasabing lugar na kinilalang si Danilo, alias “Ponggoy.” Hindi pa natin batid kung nahuli na ng mga pulis ang suspect. Hindi sana binubulok sa talaan ng crime incidents sa official blotter ng Pasay City-PNP ang pagpaslang kay SPO1 Tizon.
Noong dekada 90 nagkakaisa at magkakatuwang ang iba’t ibang sangay ng Philippine National Police sa Metro Manila sa paglutas sa isang kadumal-dumal na krimen. Ang sabi nga nila, magtago na ang killer kapag lespu ang naging biktima ng pagpaslang.
Anyway, hindi ko pa alam kung gaano katikas sa paglutas ng krimen ang bagong hepe ng Pasay City police na si Senior Supt. Joel Doria na produkto ng Philippine Military Academy.
Teka, riyan daw sa No. 40, sa Dapitan St., sa lugar ni Barangay Chairman Logro tuwing umaga ay marami raw ang sumisigaw na dehado at llamado. Ang iingay daw ng mga sasabunging manok. Pakisilip po ang patupadahan sa kulay pulang gate na may nakatayong lumang bahay. Baka nailipat na ang sabungan ni Madame Connie sa Dapitan Street.
Moti Arceo for 2016 sa Pasay City
MALAKAS pa rin ang kamandag o ang dating sa mga botante ni incumbent Pasay City 2nd district councilor Regino “Moti” Arceo sa lalapit na pambansang halalan sa 2016. Iyan ang usap-usapan sa Pasay.
Padaplis lang!!! Gambling den sa Batangas
DAHIL buwan ng Mayo, normal na namamayagpag na naman ang mga pergalan sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Batangas sa lugar ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto. Tatlo sa 20 pergalan sa lalawigan ng Batangas ay matatagpuan sa Barangay Maputing Kahoy sa Rosario; sa San Juan at sa bayan ng Lobo, Batangas. Kahit ipagtanong pa ng local PNP sa Batangas sa mga financier na sina Mundo, Alona at Boy Life.