Grace Poe sa 2016?
hataw tabloid
May 13, 2015
Opinion
TILA kiliting-kiliti si Sen. Grace Poe sa ‘panliligaw’ sa kanya ng iba’t ibang politiko, pati na si PNoy, na tumakbong president o bise-presidente sa 2016 elections.
Para ipinaghehele si Poe kapag may nagsasabing presidentiable siya.
Kung track record ang pag-uusapan, wala pang maipagmamalaki si Poe bilang public servant.
Hindi naman siguro mabigat na kuwalipikasyon ang pagiging anak ng action king para mailuklok sa Palasyo kapalit ni PNoy.
Popularidad na lang ba ang puhunan para maging Pangulo ng bansa?
Tsk, tsk, tsk, isa sa pinakamalungkot na bahagi ng kasaysayan ng Filipinas ay nang magkamali ang mga mamamayan na ibinoto ang isang popular na artista sa Palasyo na walang inatupag kundi waldasin ang kaban ng bayan at gamitin ang kapangyarihan para magpayaman ang kanyang angkan.
Bakit may kakaibang katahimikan si Sen. Grace pagdating sa plunder case ng mga Estrada at mga Binay?
Kung ninong ni Sen. Grace si ousted president Joseph “Erap” Estrada at ang anak nito’y nakakulong sa kasong plunder, posibleng bigyan niya ito ng pardon sakaling mahatulang guilty, gaya nang ginawa ni GMA kay Erap.
Sakaling totoo na ninong rin ni Sen. Grace si VP Jojo Binay na may kaso rin plunder pati ang kanyang asawa at anak, hindi imposibleng bigyan din niya ito ng pardon kapag nasentensiyahan ng Sandiganbayan.
At kapag nabigyan na sila ng pardon, wala nang makapipigil sa kanila para tumakbo muli sa halalan dahil may desisyon na ang Korte Suprema na hindi na diskuwalipikadong kandidato ang mga sentensiyadong mandarambong.
Kapag nangyari ito, isang masamang pangitain pala para kay Juan dela Cruz ang maging pangulo si SEn. Grace Poe.
Hindi na kailanman babangon ang pinakamamahal nating bansa at patuloy pang babagsak dahil sa maling barometro ng botante sa pagpili ng ibinoboto.
Naletse na tayo!
Panagutin si brillantes sa electronic dagdag-bawas
GUSTONG maghugas-kamay ni retired Comelec chairman Sixto Brillantes sa natuklasan ng mga election watchdog groups na nakaapekto sa resulta ng eleksiyon noong 2013, sa ilang hindi pa tinukoy na mga lugar, ang digital lines sa mga balota.
Natapos na ang kanyang termino sa poll body saka pa lamang siya nagdadadakdak na kailangan daw matuklasan ang sanhi ng digital lines sa balota dahil puwede raw maulit na magkaroon ang bansa ng “accidental president, senator, mayor.”
Ibig sabihin, alam niya mula’t sapol na maaaring ginamit sa dayaan sa halalan ang digital lines para paboran ang ilang kandidato pero hindi niya inaksiyonan.
Bakit kaya sa Smartmatic pa rin ibinigay ni Brillantes ang kontrata para i-refurbish ang PCOS machines, gayong sa kompanya ring ito binili ang mga dispalinghadong makina?
Posible kayang may mga kinausap nang kandidato si Mang Six-tong para paboran sa 2016 elections kaya bago siya bumaba sa puwesto ay nagkumahog siyang ikamada ang kontrata para sa Smartmatic?
At ngayong ibinasura ng Supreme Court ang kontrata, at nabuko na ang electronic dagdag-bawas, kunwari’y nagmamalasakit siya sa 2016 elections para hindi mapaghinalaan ang kanilang iskema ng Smartmatic.
Si Brillantes ang pinakamatingkad na ehemplong slogan lang talaga ang tuwid na daan ng administrasyong Aquino.
Ibubulsa ang ‘Pinas
DALAWAMPU’T siyam na taon hawak ng pamilya Binay ang poder sa Makati City.
Mula sa pangungupahan sa isang apartment noong 1986, bilyonaryo at ilang mansiyon na ang bahay ng mga Binay ngayon.
Kung tunay ang mga nabulgar na daan-daang milyong pisong kickback ang naibubulsa ng mga Binay sa bawat maanomalyang transaksyon sa Makati City at pinasok na joint venture agreement sa ilang pribadong kompanya na dummy raw nila, aba’y dapat tayo’y matakot sa pangarap ng VP na maging president ng bansa.
Kapag nagkatoo ang bangungot na ito’y, maaaring maging modern-day slaves ang halos 100 milyong Pinoy dahil ang lahat ng ari-arian ng bansa ay pinagkakasya na ng mga Binay sa kanilang bulsa.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]