KAHAPON, inaabangan ng sambayanang Pinoy kung matutuloy ang pagbitay sa kababayan nating si Mary Jane Veloso, drug convict sa Indonesia.
Habang inaabangan ang oras ng pagbitay, maraming sector ang kumikilos sa bansa para hilingin na huwag ibitay si Mary Jane dahil naniniwala silang biktima siya ng isang sindikato.
Unang-una na sa mga nakikiusap ang pamilya ni Mary Jane.
Mismong si Pangulong Noynoy (bagama’t marami ang naniniwala na nagpabaya ang gobyerno sa kasong ito) nakiusap kay Indonesian President Joko Widodo na sagipin ang buhay ni Mary Jane at gawin niyang saksi laban sa sinidkati ng droga.
Pabor tayo sa kahilingang ito ni PNoy.
Dahil ‘yang demonyong droga ay talagang maraming pineperhuwisyo.
Ngayon, dahil sa demonyong droga na ‘yan, isang ina ang mawawala at dalawang anak ang kanyang mauulila ganoon din ang kanyang mga magulang at mga kapatid.
Hanggang sa huling sandali, hindi ang sarili ang inisip ni Mary Jane kundi ang kapakanan ng kanyang mga anak at buong pamilya.
Alam nating masakit ang katotohanan sa likod ng pangyayaring humantong sa nakatakdang pagbitay kay Mary Jane.
Pero dapat itong harapin lalo na ng pamahalaan. Dapat magising sa katotohanan ang isang gobyerno na walang maibigay na trabaho sa kanyang mamamayan kaya marami ang nagtatrabaho sa ibang bansa kahit sa illegal na pamamaraan.
Sa nararanasan ngayon ni Mary Jane, hinihiling ng inyong lingkod sa bawat isa na ipanalangin natin si Mary Jane, una sana’y makaligtas siya sa bitay; kung hindi naman, ipanalangin natin ang sinapit niyang kasawian.
God forbids.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0927.590.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com