Too late the hero na naman ang PH government sa Veloso case
Jerry Yap
April 25, 2015
Bulabugin

HETO na naman tayo…paulit-ulit na lang…
Hindi na naman magkandaugaga ang gobyernong Aquino sa paghahabol sa kaso ng Pinay na convicted drug courier sa Indonesia na si Mary Jane Veloso.
Kung kailan ilang araw na lang at isasalang na sa bitayan, saka pa lamang nagkukumahog makiusap ang gobyerno.
Umepal ‘este’ bumiyahe pa si VP Jejomar Binay sa Indonesia at nagpe-playing hero at nag-aala-tsambang makausap si President Joko Widodo para ‘arborin’ umano ang parusang bitay kay Veloso.
WTF!?
Ilang beses na ba natin napanood ang ganitong response ng gobyerno, pero as usual, nabibitay pa rin ang ating mga kababayan na may kasong droga.
Kasi nga, kung kailan lang umiinit ang usapin at ipa-firing squad saka lang din gumagawa ng aksiyon ang gobyerno.
Sabi nila, mula raw nang mahuli si Veloso at dumaraan sa proseso ng paglilitis ay hindi pinabayaan ng Philippine government si Veloso.
Pero hindi rito nag-umpisa at natapos ang responsibilidad ng pamahalaan sa kaso ni Veloso at iba pa nating mga kababayan na may ganitong karanasan.
Pero sabi nga, ang pagkakakulong ni Veloso na humantong sa pagbitay dahil sa droga ay hindi niya nag-iisang reponsibilidad sa sarili at sa bansa.
Huwag na natin bigyan ng katuwiran na ang pagkakasangkot niya sa nasabing ilegal na gawain ay bunsod ng kahirapan.
Pero wala tayong magagawa, dahil iyon talaga ang nagbunsod kay Mary Jane, gusto niyang maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, ‘yun nga lang mali ang kanyang pamamaraan.
At kahit saang bansa sa Asya, BITAY ang laging kaparusahan sa mga sangkot sa ilegal na droga.
Dito lang nga sa Filipinas — ang tanging Katolikong bansa sa Asya — ang hindi pumapabor na magpataw ng bitay sa mga karumal-dumal na krimen.
Kaya siguro hindi nadadala ang mga sindikatong dayuhan na gawing pabrika at transient point ng ilegal na droga ang ating bansa.
Kumbaga, pera-pera lang daw kasi ang katapat ng ilang law enforcers dito sa bansa.
Anyway, back to Veloso’s case, kaialn pa kaya magigising ang ating gobyerno?!
Trabaho sa sariling bansa, disenteng suweldo, maayos at epektibong social services gaya ng edukasyon, kalusugan, pabahay atbp., ang solusyon para makaiwas sa mga ‘mapanuksong’ sindikato ng droga ang ating mga kababayan.
Sana ay ganoon lagi ang FORESIGHT ng mga politiko sa ating bansa.
Hindi gaya ngayon na ang effort ay para umepal lang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0927.590.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com