UMUSOK ang bumbunan ng ibang private and public sector employees, motorista, estudyante at iba pang sektor nang isara ng Bureau of Immigration (BI) ang Magallanes Drive para roon ibalandra ang kanilang Christmas party.
Sabi nga, kung nakasusugat lang ang matitinding mura, tiyak may sugatan sa BI dahil tinawag na ‘perhuwisyo’ ang kanilang Christmas Party.
Nagtataka tayo kung bakit kailangan ipasara ang kalye para sa kanilang Christmas party ‘e hindi naman kasama ‘yan sa solar ng BI.
Inihingi ba nila ng permit ‘yan?
Kung inihingi nila ng permit bakit wala man lang silang babala para sa mga motorista at sa mga mapeperhuwisyo nilang publiko?
Sino ba ang very bright na nag-advise n’yan kay Immigration Commissioner Siegfred Mison na ang slogan sa kanyang pamamahala ay BI CARES pero parang hindi naman nila alam kung ano ang ibig sabihin ng CARES.
Bakit kan’yo?
Aba ‘e mukhang BONGGANG-BONGGA ang kanilang Christmas party pero wala namang BONUS ang mga empleyado.
Sabi nga ng mga taga-Immigration, hindi nila naramdaman ang kabonggahan ng kanilang party dahil marami sa kanila ang magpa-Pasko nang ‘sad.’
Mukhang nasira nga raw ang komedyanteng si Giselle Sanchez dahil hindi sila napatawa kasi nga hindi nila ma-feel ang party. Hindi rin daw sila nagwapohan kay Daniel Matsunaga at hindi naseksihan kay Jaycee parker dahil iniisip nila na bakit gumastos nang ganoon kalaki ang BI pero wala man lang inilaan para sa mga empleyado.
Tsk tsk tsk …
Kaya ang tanong nila, sino ang kumita sa BONGGANG Christmas party ng BI?!
E sino nga ba?!
Pakisagot na nga po!