NAKABIBILIB ang ipinakikitang paninidigan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na pamunuan ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-committee sa bintang na malawakang katiwalian sa Makati City partikular sa panahong si Vice President Jejomar Binay pa ang alkalde nito.
Mula sa Senate Resolution No. 826, gumulong ang imbestigasyon sa overpriced Makati Parking Building, na sinimulan ang konstruksiyon noong nakaupo pang alkalde si Binay, natapos nang ang anak na si Junjun na ang alkalde at umabot sa tumataginting na mahigit P2 bilyon ang ginastos para lamang sa 11 palapag na gusali.
Base sa testimonya ng mga pangunahing testigo laban sa angkan ng mga Binay, sa bawat proyekto o kontrata sa Makati City, 13% ang kickback ni Mayor Jojo at ang “tongpats” ay mas tumaas pa nang ang nakababatang Binay na ang alkalde.
Naungkat din ang isyu sa pagkakaroon ng dummy company ni Binay, kabilahg ang Omni Security Investigation and General Services, na nakakuha ng daang milyon pisong halaga ng kontrata para sa security at janitorial services ng pamahalaang lungsod.
Pati ang paggamit ng mga tao o “dummies” para pagtakpan ang kanyang pag-aari na ilang real properties partikular ang may P1.2-B na lupain sa Rosario, Batangas, na tinawag na Hacienda Binay, ang mansiyon sa Alfonso, Cavite o ang Tagaytay Mansion at commercial establishments sa Makati City.
Hindi mauungkat ang mga ito kundi buong tapang na isinulong ni Pimentel ang pagpapatuloy ng imbestigasyon kahit pa todo-todo ang banat dito, sino pa kundi ang kampo ng mga Binay. Hindi biro ang pressure na nararanasan ng komite ni Pimentel dahil ang pangalawang pinakamataas na lider ng bansa ang kanilang iniimbestigahan.
Pero kita naman natin na hindi natitinag si Pimentel, kapansin-pansin din ang pagiging patas niya at mahinahon sa pagtatanong sa sinumang resource person na kanilang isinalang.
Palaging namumutawi sa kanyang bibig ang mga katagang “para maging malinaw tayo” at “linawin lang natin.”
Dapat lamang na malinawan nang husto ang imbestigasyong ito lalo’t patuloy sa pagtanggi si VP Binay na direktang sagutin ang mga alegas-yon laban sa kanya.
Huwag sana putulin ni Sen. Koko ang im-bestigasyon na kanilang sinimulan nina Senador Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes hangga’t hindi nila nailalantad at buong maiha-yag sa taumbayan ang katotohanan.
Sa bawat ebidensiyang lalabas, sundan at lalong pang hukayin ang kaibuturan nito upang malaman nang buo ang bawat aspekto ng mga anomalya ni Binay at ng kanyang pamilya sa Makati.
Batid nating katuwang sina Cayetano at Trillanes, magiging matatag sa adhikain si Pimentel na huwag bumitaw sa paghalungkat sa mga sikreto ni VP Binay at ng pamilya nito.
Hayyyyyy, kung buhay lamang ang best friend at dating chief security aide ni VP Binay na si LITO GLEAN, tiyak na iikot ang puwit ng ating bise presidente. Tsk. Tsk. Tsk.
Ariel Dim. Borlongan