MAGANDA ang ipinasang ordinansa ng Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela na nagbabawal sa mga motorista na gumamit ng kanilang mobile phone at hands-free cell phones habang nagmamaneho upang makaiwas sa aksidente sa kalsada.
Malaki ang maitutulong ng ordinansang ito na tinawag na cellphone ordinance na iniakda ni 1st District Councilor Rovin Feliciano dahil sa pamamagitan nito ay mababawasan ang mga nangyayaring vehicular accident sa bawat sulok ng Valenzuela City.
Ayon sa konsehal, lumalabas sa mga isinagawang pag-aaral na isa sa dahilan ng mga nagaganap na aksidente sa kalsada ay dahil na rin sa paggamit ng mobile phones ng mga driver habang nagmamaneho.
Aniya, nawawala ang konsentrasyon ng drivers sa tuwing gagamitin ang kanilang mobile phones alinman sa pagtawag o pagpapadala ng mensahe na nagreresulta sa pagkakaroon ng aksidente.
Mabuti na lamang at naisipan ng konsehal na gumawa ng paraan upang mabigyan ng proteksiyon ang mga motorista sa pamamagitan ng paghahain ng ordinansa sa Sangguniang Panglungsod hanggang tuluyan itong lagdaan para maipatupad.
Base sa ordinance no. 139 series of 2014 o kilala rin sa tawag na cellphone ordinance, ang sinomang mahuhuling lalabag dito ay papatawan ng mga sumusunod na parusa: 1st offense-warning; 2nd offense-multang P300; 3rd offense o higit pa-multang P500.
Upang maipatupad nang tama ang ordinansang ito ay inatasan na rin ang Task Force Disiplina, Traffic Management Office at ang Valenzuela PNP Traffic Division na magpapatupad at huhuli sa mga lalabag na driver sa “cellphone ordinance.”
Pakikinabangan din ng Valenzuela City Out-of-school Youth Programs ang lahat ng multang makokolekta ng lokal na pamahalaan mula sa mga lalabag na tsuper nang sa gayon ay higit pang maisulong ang mga programa para sa mga kabataang nahinto sa pag-aaral.
Tanging ang mga alagad ng batas na tumutupad sa kanilang tungkulin, drivers ng ambulansiya at rescue vehicles na naka-duty, Comelec election officer kapag araw ng halalan at mga taong rumeresponde sa oras ng kagipitan at nagbibigay ng serbisyo publiko tulad ng mga TV at radio news reporters ang hindi saklaw ng ordinansa.
Todo-suporta rin si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa pagpapatupad ng ordinansa dahil isa ito sa mga batas na dapat na ipinaiiral nang sa gayon ay lalo pang magkaroon ng disilpina ang mga Valenzuelaño.
Alvin Feliciano