MARAPAT lamang patalsikin na ni Pangulong Noynoy Aquino si Kalihim Florencio Abad ng Department of Budget and Management.
Bukod kasi sa kahilingan ng bayan, ito ang nararapat sa panahon ngayon dahil kapag hindi sinibak ni PNoy si Abad, na kapartido niya sa Liberal Party at siyang nagpaatras kay Mar Ro-xas sa labanang pampanguluhan noong 2010 ay tiyak na madadamay ang kanyang liderato.
Sa ngayon ay pabaho nang pabaho ang administrasyong Aquino kaya’t dapat nang gumawa ng drastikong hakbang ang Malakanyang dahil naghihingalo na ang mandato niya sa taong bayan.
Bistado na kasi ng taumbayan ang PDAP at DAP kaya’t dumating na ang Palasyo sa sitwasyong wala silang kapana-panalo.
Sa maikling salita, kailangan na nila ng taong isasakripisyo at iyan ay walang iba kung hindi si Abad.
Si Abad kasi ang itinuturong utak ng DAP kaya’t matapos ang pagdedeklara ng Korte Suprema na labag ito sa Saligang Batas ng bansa ay marapat lamang pagbitiwin o sibakin na ni PNoy.
Wala nang panahon ang Malakanyang para magpatumpik-tumpik pa sa kanilang aksyon dahil unti- unti nang bumibitiw ang taong bayan sa liderato ng anak ni Tita Cory.
Alam at kapado ng Palasyo ang kanilang sitwasyon sa ngayon kaya’t habang may panahon pa ay dapat na silang kumilos dahil mahirap nang dumating ang panahon na maihahalintulad sila sa nangyari kay GMA na mas naalala ng mamamayan sa baluktot na gawi kaysa mga ma-kabuluhang proyekto na ibinigay sa mamamayan.
***
Tama ang opinyon ni Valenzuela Rep. Win Gatchalian sa estado ng mga kulungan sa bansa.
Talaga naman kasing hindi na kaaya-ayang pagkulungan ng tao lalo kung isasama ang mga VIP na politiko na sangkot ngayon sa DAP.
Dapat nang guwawa ng paraan ang gobyernong Aquino para iayos ang kulungan sa bansa lalo’t higit ang DoJ na sakop ang National Penitentiary at BJMP naman na hawak ng DILG.
Malasakit ang kailangan sa problemang ito at hindi dapat tingnan kung VIP man o ordinar-yong tao ang ikukulong dahil kagaya nga ng na-sabi natin ay hindi na ito angkop sa tao.
Alvin Feliciano