TIYAK tapos na ang termino ni PNoy ay hindi pa natatapos ang pagdinig sa kaso nina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla, Jr.
Ito ang ating tinitiyak dahil matatagalan ang trial ng kanilang mga kaso dahil sa dami nito at dahil sa dami ng pwedeng isampang motion ng magkabilang panig.
Hindi basta-basta ang naturang mga kaso dahil ang involve dito ay mga hebigat na politiko na bukod sa may datung din naman ay tiyak na de-kalibre at de -kampanilyang abogado ang paghahawakin ng kanilang mga asunto.
Ang trial nina Enrile, Revilla at Estrada ay laro ng mayayaman, magagaling at madidiskarte dahil tiyak magkakaroon at magkakaroon ng butas ang bawat salaysay at affidavit na kanilang babanggitin at isusumite sa Sandiganbayan.
Kitang-kita sa mukha ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang pagkabigla at pagkagulat nang mapunta sa kanya ang kasong plunder at graft ni Enrile dahil alam niya ang kalibre ng 90-anyos mambabatas.
Alam din tiyak ni Tang na si Enrile mismo ang magtitimon ng kanyang kaso kaya’t tiyak na dapat ngayon pa lang ay nag-iisip na siya ng mga kakaibang diskarte at estilo.
Bago naging taong gobyerno si Enrile ay kilala siyang isang magaling na abogado sa lahat ng aspeto ng batas.
Maging ang magkumpareng Jinggoy at Revilla ay tiyak na handa na rin sa kanilang panibagong hamon dahil alam nilang ang buhay at pangalan ng kanilang pamilya ang nakataya sa usaping ito.
Maging ang kinabukasan sa politika ng angkang Estrada at Revilla ay nakataya sa kanilang kaso kaya’t tiyak na hindi basta papayag ang magkakosa dahil politika na ang kanilang buhay bukod sa pagiging artista.
Kaabang-abang ang trial ng tatlong mambabatas dahil dito masusubok ang kanilang galing sa taktika sa media at husgado at dito rin masusukat ang gobyerno sa pag-handle ng ganitong asunto.
Alvin Feliciano