DALAWANG taon na ang nakalilipas ay wala pa rin matibay na resulta ang kasong graft na isinampa laban kay dating Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro.
Ito ang nakalulungkot na katotohanan sa itinatakbo ng multi-million graft cases ni San Pedro gayong malinaw naman na sapat ang ebidensi-yang isinumite ng kanyang dating tauhan, na nakonsiyensya dahil sa talamak na katiwalian sa administrasyon ng dating alkalde.
Ayon daw sa mga imbestigador ng Ombudsman, mas prioridad nila sa ngayon ang kurakutan sa pork barrel ng mga mambabatas ng bansa kaya’t nganga muna ang kaso ni San Pedro.
Nakaaawa tuloy ang katayuan ngayon ng nagpursige sa naturang kaso na si Abel Sumabat, dating miyembro ng Bids and Awards Committee ng Muntinlupa at dati rin internal auditor ng lungsod.
Si Sumabat ay dalawang taon nang mahigit na hindi nakakasama ang kanyang pamilya dahil nasa pangangalaga ng Department of Justice (DoJ) sa programang Witness Protection Program.
Sa sulat ni Sumabat sa Ombudsman, ipinaliwanag niyang parehas na pera ng mamamayan ang nilustay sa kaso ni San Perdo at ng pork barrel solons kaya’t dapat nila itong aksyonan at isampa sa Sandiganbayan.
Lumilinaw din sa ngayon na talagang may kakuparan ang hustisya sa bansa dahil mahigit dalawang taon na ang nakalilipas ay malayang-malaya pa rin si San Pedro.
Nabubuo tuloy ang hinala ni Sumabat na posibleng may milagrong nangyayari sa tanggapan ni Conchita Carpio-Morales dahil parang sinasadya na umano ang pagpapatulog sa kasong kanyang isinampa.
Sinabi rin ni Sumabat na panahon na para tutukan ng Ombudsman ang kurakutan sa mga lokal na pamahalaan dahil mas talamak ito at mas malakihan.
Alvin Feliciano