NAGTATAKA ang mga barangay officials sa Caloocan City kung bakit hindi kayang mapigilan ng lokal na pulisya at ng pamunuan ni Mayor Oca Malapitan ang ginagawang pagpatay sa kanilang mga kabaro na nagsisilbi sa mga residente sa kani-kanilang lugar.
Base sa record ng pulisya, simula lamang noong Enero ng kasalukuyang taon ay umabot na sa limang barangay officials ang napapatay ng mga gumagalang triggerman habang dalawa sa kanila ang pinalad na makaligtas bagama’t nasugatan din sa pamamaril.
Ang nakapagtataka pa rito, kahit isa sa mga gumawa ng krimen ay wala pa rin nahuhuli ang mga tauhan ng Caloocan City Police kaya’t hanggang ngayon ay patuloy na humihingi ng katarungan ang pamilya ng mga napatay na barangay officials.
Mistulang nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan din ang pulisya at lokal na pamahalaan sa nangyayari dahil wala man lamang extra effort o kakaibang diskarte upang mapigilan ang pagkitil sa buhay ng barangay officials na katuwang sa pagbibigay ng serbisyo publiko.
Hindi man lamang nagbibigay ng reward money si Malapitan sa makapagtuturo, makapagbibigay ng impormasyon o makahuhuli sa mga triggerman nang sa gayon ay mayroong magkalakas ng loob na ituro ang mga pumatay sa barangay officials.
Kung ganito nang ganito ang kasasapitan ng mga barangay officials sa makasaysayang Lungsod ng Caloocan, lalong higit na nangangamba ngayon ang mga residente para sa kanilang kaligtasan.
Katwiran nga ng ilan sa ating mga nakausap na residente, kung ang barangay officials ay kayang-kayang patayin, sila pa kaya na walang kalaban-laban at lalong walang kakayahan na ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Base pa sa talaan, ang pinakahuling napatay na barangay official ay si Kagawad Rogelio Escano ng Barangay 44 na bigla na lamang pinasok sa Tony’s Restaurant na matatagpuan sa 8th Avenue na pinaglulutuan ng biktima nitong May 9.
Nito namang May 7 tinambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklo si Kagawad Garry Moralla, 26, ng Barangay 181 na naging dahilan nang maaga niyang kamatayan at ikinasugat ng asawang si Jonalyn.
March 25 nang pagbabarilin at mapatay ng isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo si Chariman Pedro Ramirez ng Barangay 183 dakong 7:45 ng umaga sa Gate 2, Amparo Subdivision, Quirino Highway.
Bago ito, si Kagawad Luisito Banzon ng Barangay 187 ay pinagbabaril din ng riding-in-tandem sa harapan ng bahay nila sa Sunflower St., Tala habang nagbababa ng mga sako ng bigas. Bagama’t sugatan ay nakaligtas siya sa tiyak na kamatayan.
Nakaligtas din sa tiyak na kamatayan si Kagawad Edward Jundayao ng Barangay 174 matapos barilin ng hindi nakilalang triggerman sa harapan ng kanilang bahay sa Waling-Waling St., Camarin habang hihihintay ang kanyang maybahay.
March 3 naman nang tambangan ng hindi nakilalang mga salarin si Chairman Alejandro Bonifacio ng Barangay 163 na pinagbabaril din hanggang mapatay ng hindi pa rin matukoy na salarin habang si Chairman Felipe Alday ng Barangay 178 ay napatay din sa pamamaril.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ng pulisya kung may kaugnayan ang bawat isang naganap na mga pagpatay at hindi pa rin matukoy kung ano ang motibo sa mga naganap na krimen.
Ano kaya ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin nahuhuli ang mga awtoridad at kahit na mayroon na raw silang natutukoy na triggerman ay bakit hindi pa rin naipapasok sa selda para naman magkaroon ng kapanatagan ang mga opisyal ng barangay.
Alvin Feliciano