Wednesday , November 13 2024

Agri fund para sa masaganang ani (Para sa mas mababang presyo ng bigas)

102513_FRONT

SA patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan na nasa pinakamataas na sa loob ng limang taon noon nagdaang buwan, sa kabila ng tag-ani, itinutulak ngayon ni Laguna 3rd district Rep. Sol Aragones ang mas malaking subsidiya sa pagsasaka sa pamamagitan ng isang panukalang batas na isinumite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Pagkatanto sa mababang produksyon ng ating mga palayan, kompara sa ibang bansa sa Asya na kilala sa industriya ng pagsasaka ng bigas, na maaaring pinalala ng mataas na presyo ng mga pataba bilang batayan, masigasig na itinutulak ngayong linggo ni Aragones ang kanyang panukalang kikilalanin bilang “Rice Fertilizer Subsidy Act of 2013,” na naglalayong maglalaan sa mga karapat-dapat na magsasaka ng ayudang pinansyal mula sa pamahalaan katumbas ng 50 porsyento ng halaga ng abono o pataba para sa kanilang mga bukirin.

“Ang binabanggit ng Department of Agriculture (DA) na natatangi at pinakamabigat na pasanin ng mga magsasaka sa usapin ng produksyon ng bigas ay ang presyo ng mga pataba. Ito ang nagtulak sa inyong lingkod na isulong ang pagbabalik ng subsidiya sa pataba na dating ibinibigay ng Estado sa mga magsasaka ng palay,” paliwanag ng dating media personality na ngayon ay isa nang mambabatas.

Ayon sa pagtataya ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang puhunan ng mga magsasaka para sa abono at pataba ay umaabot sa halos 20 porsyento ng halaga ng produksyon. Kadalasan ang isang ektarya ng palayan ay nangangailangan ng walong sakong pataba. Bawat sako ng abono ay nagkakahalaga sa kasalukuyang bilihan ng P1000 o higit pa batay sa datos ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), nitong Setyembre.

Maraming mga eksperto sa larangan ng agrikultura ang nagsasabi na ang pangunahing dahilan sa mahinang ani ng palay at sa mataas na presyo ng bigas sa mga pamilihan ay ang kakulangan ng ayuda sa mga magsasaka at kawalan ng subsidyo mula sa pamahalaan. Ito ang sanhi ng “mala-bansot na paglago ng produktong sakahan at maging sa hanapbuhay sa mga kanayunan. Pinaliliit din umano ng kalagayang ito ang dapat na kita ng mga magsasaka at ng mga manggagawang-bukid na walang sariling lupang sinasaka. Nagiging mas mahal ang presyo ng pagkain at lalong hindi abot-kaya para sa mga nasa kanayunan, maging ang maliliit na magsasaka na bumibili rin ng kanilang pagkaing kinukonsumo,” ayon kay Sec. Arsenio Balisacan ng National Economic Development Authority (NEDA).

Habang walang ginagawang hakbang ang gobyerno upang pataasin ang subsidyo at iba pang agricultural inputs para sa mga magsasaka, nagawa naman ng NFA na magbayad ng umaabot sa P1.7 bilyon para sa buwis at iba pang bayaring kaakibat sa inangkat na bigas noong Abril sa ilalim ng isang government-to-government na kasunduan.

Ang nabanggit na halaga ay bukod pa sa US$94.5 milyon o mahigit P4 bilyon na ipinambayad ng NFA sa Vietnam para sa importasyon ng 205,700 metriko toneladang bigas ngayon taon. Ang partikular na importasyon ay isinasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon ng Senado at ng Mababang Kapulungan dahil sa pagkakasangkot sa alegasyon ng katiwalian sa umano’y overpricing na umaabot sa kalahating bilyong piso.

Kahit na namuhunan sa pag-angkat ng bigas ang pamahalaan ngayon taon, patuloy ang pagtaas ng presyo sa mga pamilihan na umabot pa nga noong Setyembre lamang sa pinakamataas na presyong P36.04 kada kilo sa loob ng limang taon, o 23 porsyento ang itinaas mula sa pinakamataas na naitalang presyo noong 2008 rice crisis na P29.38, ayon na rin sa Bureau of Agricultural Statistics (BAS).

Isinusulong noon pa man ni Sec. Balisacan, na isang dating Agriculture Undersecretary, ang mas mataas na subsidya ng gobyerno sa produksyon at ang “paggiba sa tungkulin ng National Food Authority na puspusang panghimasukan ang kalakalan ng bigas sa bansa, kaakibat ng pagbuwag sa monopolyo nito sa importasyon ng bigas.”

Alinsunod sa mga rekomendasyon ng NEDA, ang panukalang batas ni Rep. Sol Aragones ay nagtataguyod sa mas mataas na pamumuhunan ng pamahalaan sa pataba at iba pang ayuda sa pagsasaka upang, higit sa lahat ay: “tukuran ng kaukulang suporta ang kabuhayan ng ating mga magsasaka ng palay; tulungan ang bansang abutin ang kasapatan sa bigas; siguruhin ang pagpapanatili ng katatagan ng pamahalaan sa pananalapi; at ibsan ang pinagkakagugulang hindi dapat, at tugunan ang iba pang pangangailangan kaugnay ng distribusyon.”

Bukod sa panukalang batas ni Aragones, ang HB 2936 na iniakda ni Rep. Delph Gan Lee ng Agri-Agra Reporma Para sa Magsasakang Pilipinas (AGRI) partylist na may titulong “National Food Authority Rationalization Act of 2013” ay nagsusulong sa pagbuwag ng monopolyo ng nasabing ahensya sa pag-angkat ng bigas at “upang ibaling ang kakapiranggot na pondo ng pamahalaan mula sa palugi at maaksayang tungkulin sa pagpapatatag ng presyo sa mga pamilihan, papunta sa mas produktibong pamumuhunan sa rice research and development, sa mga extension services, at sa irigasyon.”

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

CICC GCash

CICC tutok sa Unauthorized fund transfer ng GCash

HINDI kontento ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa paliwanag ng GCash na system …

GCash

Pinaghirapang pera ng GCash users dapat ibalik — Kiko

MABUTING tiyakin ng gobyerno na maibabalik sa lalong madaling panahon ang pinaghirapang pera ng ating …

CREATE MORE Law

Mas maraming trabaho sa Pinoy sa pagpasok ng foreign investment tiniyak sa CREATE MORE Law

NANINIWALA sina Senador Pia at Alan Peter Cayetano na magreresulta sa paglikha ng maraming trabaho …

Carlwyn Baldo

Daraga Mayor Carlwyn Baldo, isinugod sa pribadong ospital

ISINUGOD sa isang ospital sa Bonifacio Global City si Daraga Mayor Carlwyn Baldo mula sa …

111324 Hataw Frontpage

Sa ikatlo at huling pagbasa
NATURAL GAS BILL APRUB SA SENADO

“INAASAHAN naming makikita ang mga benepisyo ng panukalang ito, hindi bukas o sa katapusan ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *