TINATAYANG P75-M ang halaga ng isang maletang high grade methamphetamine hydrochloride o shabu na nakompiska sa naarestong si Anthony Co Uy, 62 anyos Chinese national, residente ng Dasmariñas, Cavite, gamit ang Camray (ZBG 553), ng mga kagawad ng PDEA sa pamumuno nina DDGA Rene Orbe at DDGO Abe Lemos sa isang buy bust operation sa Plaza Raja Soliman, Malate, Maynila. (BONG SON)
ARESTADO ang isang 62-anyos Chinese national na nahulihan ng tinatayang P75-milyon high grade shabu sa isang buy bust operation sa Malate, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ni PDEA Assistant Secretary Abe Lemos ang suspek na si Antonio Uy, may senior citizen’s ID ng 732 El Cano St., Binondo, Maynila, na nagtangka pang tumakas nang arestohin ng mga kagawad ng PDEA.
Ayon kay Lemos, naganap ang buy-bust operation dakong 11:15 a.m. sa Roxas Blvd., Service Road sa Rajah Sulayman Park sa Malate.
Aniya, nang maramdaman ni Uy na darakpin siya ng mga awtoridad, agad pinasibad ang kanyang Toyota Camry (ZBG 553) at binangga pa ang isang sasakyan ng PDEA.
Gayonman, pinaputukan ng isa sa mga PDEA agent ang sasakyan ng suspek na tinamaan sa plate number sa likod.
Nasamsam ng PDEA mula sa kotse ng suspek ang 15 kilo ng high grade shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P75 milyon. (LEONARD BASILIO/DAPHNEY ROSE TICBAEN)