TAGAYTAY CITY—Malakas na binuksan ng koponan ng Tagaytay-Philippines ang kanilang kampanya sa 2013 Asian Cities Chess Team Championship na mas kilala sa tawag na Dubai Cup nang kanilang itarak ang 4-0 victory kontra sa tenth seed Erdenet, Mongolia dito sa Tagaytay International Convention Center nitong Linggo.
Giniba nina Grandmasters Oliver Barbosa, Mark Paragua, John Paul Gomez at Darwin Laylo ang kani-kanilang Mongolian rivals para ikamada ang isa sa limang shutout wins sa opening day para ihatid ang top-seeded Filipinos sa early leaders sa event kung saan ay punong abala si Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, ang Fide Asian Zone 3.3 president katuwang ang kanyang maybahay na si mayor, Dr. Agnes Tolentino at ng Tagaytay city council.
Pinisak ni Barbosa (ELO 2567) si International Master Namkhai Battulga (ELO 2396) matapos ang 46 moves ng Slav defense sa board one para pangunahan ang Filipino sa pananalasa.
Kinaldag ni Paragua (2571) si Oyunbold Bilegsaikhan (ELO 2071) matapos ang 48 moves ng Sicilian defense sa board two.
Giniba naman ni Gomez (2511) si Choidog Ganbold (2171) matapos ang 53 moves ng King’s Indian defense sa board three, habang angat si Laylo (2497) kay Shagdarsuren Turbat (2035) matapos ang 28 moves ng Gruenfeld defense sa board four.
Ang impressive win ng Filipinos ay nagbigay daan sa early collision kontra sa 6th-seeded Sharjah (UAE) sa second round scheduled nitong Lunes.
Binanderahan ang Sharjah (UAE) nina GM Salem A.R. Saleh (2567), IM Omar Noaman (2388), FM Alhuwar Jasem (2256) at Abdulla Al Tahir (1967) sa pagdurog sa 15th-seeded Seoul (Korea), 4-0, na kinabibilangan nina FM Lee Sanghoon (2171), CM Kim Inguh (1805), Kim Changhoon (1790) at Wang Chengjia (1934) ayon sa pagkakasunod.
Sa iba pang kaganapan ay binasura ng third-seed Wuxi (China) ang Abu Dhabi (UAE), 4-0; diniskaril ng fourth-seeded Philippine Sports Commission-Manila (Philippines) ang thirteen-seeded Bs Begawan (Brunei), 4-0; binokya ng fifth-seeded Ulaanbaatar (Mongolia) ang fourteen-seeded Kuwait (Kuwait), 4-0 at pinadapa naman ng sixth-seeded Sharjah (UAE) ang fifteen-seeded Seoul (Korea), 4-0.(Lovely Icao)