PERHUWISYO ang inaabot ngayon ng mga residente ng Parañaque City lalo na ng mga guro at mag-aaral na malapit d’yan sa Kabihasnan Exit sa Coastal Road dahil libreng-libre nilang nasisinghot ang BANTOT mula sa nakasusulasok na amoy ng pinaghalo-halong basura.
Ginawa kasing dumpsite ng LEONEL WASTE CO., ang isang solar malapit sa Parañaque Central Elementary School.
Kung dati ay Maynila lang ang sineserbisyohan ng Leonel Waste Co., ngayon pati Parañaque ay sakop na niya.
Ibig sabihin, lumalawak ang negosyo ng Leonel Waste Co., ni Totoy.
Ang masama nga lang, habang lumalaki ang kita ng kompanya ay lumalaki ang perhuwisyong nagagawa nila sa mga komunidad.
Katulad n’yan mukhang walang pakialam ang
Leonel sa BANTOT na nasisinghot ng mga estudyante at mga guro mula sa kanilang dumpsite.
Alam na alam nila kung ano ang mga sakit na nakukuha sa AIR POLLUTION mula sa basura.
Nariyan ang pulmonary tuberculosis (PTB), asthma, skin allergy, respiratory tract infection, bukod pa sa pinagbabahayan pa ‘yan ng langaw, daga, ipis at kung ano-ano pang insekto.
Nanawagan ang mga guro, magulang at estudyante kay Parañaque City Mayor EDWIN OLIVAREZ na solusyonan ang problemang ito dahil malaking perhuwisyo ito sa kalusugan ng mga mamamayan ng Parañaque.
Aksyon, Mayor Edwin Olivarez!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com