NAKAHINGA NANG MALUWAG SI MARIO DAHIL TUTULUNGAN SIYA NI ATTY. LANDO JR.
“Kilala ko po si Mario, Atorni. Mabuti s’yang tao,” pagpapatotoo ni Baldo sa mga sinabi ng maybahay ng ka-manggagawa. “Tingin ko po, Atorni, na-frame-up ang mister n’ya.”
Nawalan ng kibo si Atorni Lando, Jr. sa matamang pag-uukol ng pansin kay Delia na yugyog ang buong katawan sa pag-iyak-iyak nang nakayuko.
Sa pagitan ng mga paghikbi-hikbi at pagluha, ikinuwento ni Delia kay Atorni Lando Jr. ang buong pangyayaring narinig nito mula mismo sa mister na si Mario.
Pagkatapos ng kwento ni Delia, biglang napatayo si Atorni Lando Jr.
“Frame-up nga!” ang naipahayag ng mga labi nito.
Nangako ng tulong kay Delia si Atorni Lando Jr.
Ito ang magandang balitang ipinara-ting kay Mario ni Delia nang magbalik sa himpilan ng pulisya.
“Salamat sa Diyos,” usal ni Mario, napatingala habang hawak ang mga kamay ng asawa sa pagitan ng mga rehas na bakal.
Kahit paano, nakadama siya ng konting luwag sa kanyang paghinga. Pero sa likod ng kanyang utak, bukod sa problemang gawa-gawa ng mga walang-pusong tao, ay naroroon pa ang kabit-kabit na suliranin na naiwan niya kay Delia: pagkain sa araw-araw ng kanyang mag-ina, walang katapusang bayarin sa inuupahang bahay, tubig, kuryente at kung anu-ano pa. Malaki na ang ipinamamayat ng asawa niya, at hindi na ito natuyuan ng luha sa mga mata. (Subaybayan bukas)
Rey Atalia