NAGPATUPAD nang mahigpit na seguridad sa paligid ng University of Sto. Tomas sa lungsod ng Maynila para sa pagsisimula kahapon ng apat na araw na bar examinations.
Kasabay nito, ipinairal sa paligid ng UST ang traffic rerouting para sa mga sasakyan, habang naglabas din ng liquor ban sa examination venue at maging sa mga establisyementong malapit sa lugar.
Ayon kay Supreme Court (SC) Deputy Clerk of Court and Bar Confidant Ma. Cristina Layusa, aabot sa 5,593 bar candidates ang kukuha ng pagsusulit ngayong taon.
Gagawin ang bar exam tuwing Linggo o sa mga sumusunod na petsa: Oktubre 6, 13, 20 at 27, 2013.
Layunin nang mahigpit na seguridad na maiwasan ang nangyaring bar exam blast noong Setyembre 2010, na marami ang nasaktan sa pagsabog ng granada.
Maging ang mga programa ng mga fraternity at iba pang grupo ay ipinagbabawal na rin sa UST.
(BETH JULIAN)