PINAIGTING pa ng pamahalaang panlalawigan ng Negros Oriental ang ginagawang search-and-rescue ope-rations sa mga residente na sinalanta ng matinding pagbaha, dulot nang mahigit 12-oras na buhos ng ulan.
Inihayag ni provincial police officer-in-charge, Supt. Alet Virtucio, 13 barangay sa Bayawan City ang lubog sa hanggang beywang na tubig-baha.
Umapaw na rin aniya ang tubig mula sa dalawang malalaking ilog sa lugar dahilan para tumaas pa ang baha.
Iniulat din ng opisyal na may nangyaring landslides sa mga barangay ng Villareal at Pagatban, bagama’t wala naman aniyang naitalang casualties.
Ilang residente rin ang lumikas sa basketball court ng city hall.
Sa hiwalay na ulat ng Department of Public Works and Highways, isang hiwalay na landslide incident din ang naitala sa bayan ng Sta. Catalina dahilan para hindi madaanan ang national highway.
Kabilang sa mga apektadong barangay ay ang Suba, Banga, Villareal, Pagatban at Maninihon.
Nagtalaga na rin ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng karagdagang rescue at engineering team para tumulong sa mga stranded na mga residente. (HNT)