BALI, Indonesia – Ipinagmalaki ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa harap ng world leaders at business CEOs ang mga batas na naipasa at programang sinimulan para maiparating sa lahat ang kaunlaran.
Kasabay ni Pangulong Aquino na nagsalita sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) CEO Summit si President Ollanta Humala ng Peru.
Sinabi ni Pangulong Aquino, kabilang dito ang conditional cash transfer (CCT) na tumutulong sa apat na milyong pamilya at pinalawak pa.
Ayon sa Pangulo, nakatuon din sa social services ang national budget partikular sa sektor ng kalusugan at edukasyon.
Inihayag din ni PNoy ang paglagda sa Reproductive Health (RH) Law para sa maternal health at Sin Tax Reform Law para mapataas ang koleksyon sa buwis na magagamit para pondohan ang social services.
Ibinida rin ni Pangulong Aquino ang paglago ng turismo at sektor ng agrikultura sa bansa.
Maging ang kampanya laban sa katiwalian ay binigyang-diin ng pangulo at aniya’y unti-unti nang napapanagot ang mga nagkamal sa pera ng bayan.
Tiniyak naman ng Pangulo na magpapatuloy ang kampanya para sa ganap na reporma sa sistema. (HNT)
P14.3-M BUDGET NI PNOY SA APEC
AABOT sa P14.3 milyon ang gagastusin ng Palasyo para sa pagdalo ni Pangulong Benigno Aquino III sa 21st Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders Meeting (AELM), APEC CEO Summit sa Bali, Indonesia at 23rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Brunei Darussalam.
Ayon kay Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., umalis ng bansa kahapon ng umaga sakay ng chartered flight si Pangulong Aquino patungong Bali at pupunta naman sa Brunei sa Miyerkoles.
Tutustusan aniya, ng P14.3 milyon ang transportasyon, accommodation, pagkain at equipment ng Pangulo at kasama niyang 84-member official delegation.
“President Aquino is expected to share a number of Philippine initiatives during the scheduled meetings in Indonesia and Brunei Darussalam. Some of these will be on the areas of environmental protection and climate change mitigation, food security, women and the economy, infrastructure investment, among others,” ani Ochoa.
“Our President is also expected to press for the need to strengthen cooperation in cross-border education and skills training to bolster development of human resources amid economic growth,” dagdag pa niya.
(ROSE NOVENARIO)