Balikbayan boxes libre na (Customs pursigido)
Hataw News Team
September 4, 2015
News
LABINLIMANG beses ang dami ng mga pambahay at personal goods na nakasilid sa mga shipping containers ang itinutulak ngayon ng Bureau of Customs (BoC) na ma-exempt sa buwis na babayaran ng mga Filipinong balikbayan, kasabay ng pagdoble ng isanlibong beses sa halaga ng mga libreng goods na ipinapadala pauwi ng overseas Filipino (OFWs) mula sa ibayong dagat sa pamamagitan ng sa balikbayan boxes o parcels.
Ang panuntunang ito ay isinulong ng BoC kasabay ng panawagan sa Senado na makipagtulungan sa mababang kapulungan ng Kongreso upang isabatas sa lalong madaling panahon ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa pagtalakay ng Senado hinggil sa patakaran ng BoC sa pagbubuwis sa balikbayan boxes, ipinahayag ni Customs Commissioner Albert Lina sa mga senador na ang pagpasa ng CMTA ay pakikinabangan ng mga Filipino na kasalukuyang naghahanapbuhay sa ibang bansa na ang tanging nasa isip ay “ibahagi ang mga pagpapalang tinatamasa nila sa kanilang mga mahal sa buhay.”
“Buo ang suporta ng Bureau sa panukala na mag-aangkop sa mga polisiya hinggil sa mga ipinapadala ng ating mga kababayan sa tawag ng kasalukuyang panahon,” ayon kay Lina.
“Ang mga items na naiuuwi nila nang walang bayad gaya ng household items at personal goods na nakapaloob sa mga shipping containers ay nagkakahalaga ng P10, 000 lamang. Mahigit sa halagang ito, sinisingil na sila ng gobyerno. Hindi sapat ito at nararapat lamang, sa aming paniniwala, na itaas sa P150,000 o higit pa bilang pagkilala sa kanilang ambag sa ekonomiya,” ayon sa BoC Chief.
Sa ipinalabas na slide presentation sa Senado, iniulat din ni BoC Deputy Commissioner for Assessment and Operations Agaton T. Uvero na itutulak din ng Customs ang pagtataas ng “tax threshold exemption” – na kasalukuyang nasa sampung piso – sa “de minimis value exemption” na P10, 000 upang ang mga parcel o balikbayan box na may halagang sampung libo o mas mababa pa rito ang halaga ng laman ay libre nang maipapadala nang walang kaukulang customs duties.
Ayon sa BOC official, ang sampung libong hangganan ay regular na susuriin at itataas kapag akma sa panahon.
Ipinaliwanag din ni Uvero na magpapatupad ng mga kaukulang pagbabago sa polisiyang kanilang ipinapatupad upang maibsan ang agam-agam ng publiko na ang kanilang mga ipinapadala sa kanilang mga kamag-anak ay bibigyan ng ibayong pag-iingat kapag nasa kustodiya ng kagawaran.
“Lahat naman po tayo, kahit mga empleyado ng customs, may mga kamag-anak sa ibang bansa. Nauunawan po namin ang kanilang pag-aalala sa integridad ng mga balikbayan boxes at kami naman po sa pamunuan ng Customs ay nangangakong tutugunan ang lahat sa lalong madaling panahon,” bigay-diin pa ni Uvero.