Grade 8 pupil nagtangkang mag-suicide nang i-expel ng titser
Hataw
August 12, 2015
News
KORONADAL CITY – Nasa sa intensive care unit (ICU) ang isang dalagita makaraan magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti.
Kinilala ang biktima sa alyas “Princess,” 16-anyos, Grade 8 pupil ng Tacurong National High School.
Ayon sa guardian ng biktima na tumutulong sa pagpaaral, ang pag-expel ng guro sa biktima nitong Biyernes ang dahilan tangkang pagpapakamatay ni Princess.
Sa katunayan, ang guro mismo ang nagproseso ng good moral at certification ng biktima upang lumipat na lamang sa ibang paaralan dahil sa sinasabing hindi magandang pag-uugali ng dalagita.
Sa pagpunta ng ina ng biktima sa paaralan, nagmakaawa siya kasama ang kanyang anak, lumuhod at umiiyak sa paghingi ng isa pang pagkakataon na makapagpatuloy sa pag-aaral si Princess.
Sinabi ng ina ng biktima sa guro na nagbanta si Princess na magpapakamatay kapag hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral ngunit binalewala lamang ito ng guro at itinuloy ang pag-expell sa dalagita.
At pagsapit ng Sabado ng umaga kinabukasan, nadatnan na lamang si Princess ng kanyang ina na nakabigti sa loob ng kanilang bahay.
Agad siyang dinala sa ospital at naisalba ang kanyang buhay ngunit ayon sa guardian, parang lantang gulay na dahil hindi makapagsalita o makagalaw maliban na lamang sa kanyang mga mata.
Labis ang nararamdamang hinanakit ng pamilya ng biktima dahil sa ginawa ng guro na sa palagay nila ay hindi tama at nangangailangan ng aksyon ng Department of Education.
Napag-alaman, mahirap ang pamumuhay ng pamilya ni Princess at patay na ang kanyang ama walong taon na ang nakakaraan. At ang kanilang ina na lamang ang bumubuhay sa kanilang anim na magkakapatid.